Tunay na diwa ng Simbang Gabi, ituro sa kabataan
- BULGAR

- Dec 20, 2024
- 2 min read
by Info @Editorial | Dec. 20, 2024

Sa panahon ng Simbang Gabi, sadyang hindi na yata talaga mawawala ang mga pasaway. Sa Maynila, ilang menor-de-edad ang hinuli dahil sa pagkakasangkot sa riot ng dalawang grupo ng mga kabataan. Nangyari ang rambulan sa ikalawang araw ng Simbang Gabi.
Makikita sa CCTV ang habulan ng mga kabataan at dinig din ang dalawang putok ng hinihinalang improvised gun at pagliyab ng inihagis na molotov bomb. Nabulabog ang mga residente, may ilang sasakyang nadamay at may isang bata pang nabundol ng sasakyan.
Malaking perhuwisyo ang idinulot ng rambulan sa barangay na ginawang battleground. Bakit nga ba nagkakaroon ng rambulan sa mga kabataan tuwing Simbang Gabi?
Ang sagot ay masalimuot at may maraming aspeto.
Una na rito ang kakulangan ng kamalayan sa espiritwal na halaga ng Simbang Gabi.
Sa halip na magsilbing pagkakataon upang magdasal at magnilay, ang iba sa mga kabataan ay nagiging abala sa tawanan, tsismisan at away.
Hindi nila nakikita ang kahalagahan ng Simbang Gabi bilang isang tradisyon na nagpapalalim sa pananampalataya at nagpapaalala sa tunay na kahulugan ng Pasko.
Ang papel ng pamilya at komunidad ay napakahalaga sa pagtutok sa tamang pagpapalaganap ng mga tradisyong ito.
Ang mga magulang ay may responsibilidad na turuan ang mga anak ng disiplina at tamang pag-uugali sa mga pampublikong okasyon, tulad ng Simbang Gabi. Samantalang ang Simbahan at mga lokal na pamahalaan naman ay may tungkulin ding magbigay ng mga programa na magpapalakas sa mga kabataan ng tamang pagpapahalaga sa mga tradisyon.
Sa kabila ng mga problema kasabay ng Simbang Gabi, hindi pa huli ang lahat upang mapanumbalik ang diwa ng tradisyon.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pamilya, Simbahan at komunidad, maaaring maituro sa mga pasaway na kabataan ang kahalagahan ng Simbang Gabi bilang isang pagkakataon para sa pagbabalik-loob at diwa ng pagkakaisa.


Comments