Tuloy ang pagbangon mula sa pandemya
@Editorial | May 28, 2022
Sa kabila ng nagpapatuloy na pandemya dulot ng COVID-19, puno pa rin tayo ng pag-asa na makakabawi at uunlad.
At ito rin umano ang prayoridad ng papasok na administrasyon, ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Malaki ang paniwala na makatutulong sa pagpapalago ng ekonomiya ang pag-digitalize ng mga operasyon ng gobyerno para mas mapadali ang mga komunikasyon partikular na sa mga negosyo sa ibang bansa.
Bukod sa mas mabilis na proseso, ponaniniwalaang maiiwasan na rin ang salot na korupsiyon. Hindi na kailangang dumaan sa kung kani-kaninong kamay ang pondo na dapat ay deretso lang sa kaban ng bayan.
Sa totoo lang, korupsiyon ang talagang nagpapalubog sa atin sa kahirapan. Kung napupunta lang ang lahat ng budget sa totoong pinaglalaanan, mas may laban tayo sa anumang krisis. At ngayong inunahan na ng susunod na pangulo ang mga korup na hindi uubra ang masamang gawain, sana’y nagsilbi na itong babala.
Kung lusot ang mga kurap sa nagdaang administrasyon, hindi na raw ngayon, sana.
Samantala, umaasa rin tayo na patuloy ang suporta at gabay sa pamamagitan ng mga plataporma noong kampanya para sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs), agrikultura, edukasyon, at sa imprastraktura.
Tiyaga, diskarte at pagkakaisa lang, makakaahon din tayo mula sa pandemya at kahirapan.



Comments