Tsugi na sa PBB… VICE KAY CIANNE: ANG HIRAP MONG IPAGTANGGOL!

ni Lucille Galon @Special | November 22, 2026

Photo: FB Circulated
Wa’ epek na ang mga suggestions ni Meme Vice Ganda para hindi masyadong ma-cancel si Cianne Dominguez dahil ligwak na ito ngayon sa Bahay ni Kuya bilang housemate.
Ano na kaya ang mangyayari sa kanyang career matapos ang kontrobersiyang kinasangkutan niya nang ma-bash dahil gumagawa ng love team sa Pinoy Big Brother Collab 3.0, balitang may putok at masyadong mataray?
Sa Friday episode ng It’s Showtime, muling bumanat ang Unkabogable Star na si Vice habang nasa jackpot round sila ng Laro Laro Pick.
“Twenty thousand, ‘pag sinabi mong lipat, sa ‘yo na ‘yan. ‘Pag ‘di mo kinuha ‘yan, ipamboboto namin kay Cianne,” saad ni Vice sa contestant na si Mia.
Maririnig naman sa background ang tawanan ng iba pang hosts pati na rin ng madlang people.
“Cianne, huwag ka munang maggagalaw d’yan, hirap mong ipagtanggol!” sey pa ni Vice.
Napa-“I love you, Cianne!” naman si Karylle.
“Kung puwedeng magkulong ka muna sa CR! ‘Wag kang nakikipag-usap sa mga housemates!” natatawang sabi pa ni Vice.
Sey naman ni Teddy Corpuz, “Itinataas ka namin dito, eh!”
“Usap tayo paglabas mo!” tsika naman ni Amy Perez.
“Umiyak-iyak ka para may ano… nakakaawa!” banat pa ni Vice na bumawi rin ng “We love you, Cianney!”
Naku! Nagbiro pa naman si Vice na kung hindi na nila mahabol ang boto para kay Cianne, tutulungan na lang nila ito at bibigyan ng mas maraming exposure.
Well, ma-save pa kaya ang career ni Cianne paglabas ng Bahay ni Kuya?
Inireklamo ng cyber bullying, harassment, etc…
LIVESTREAM NG PBB, STOP NA!
HINDI na mapapanood sa iWant ang Pinoy Big Brother Collab 3.0 All-Access livestream, kasunod ng mga reklamo tungkol sa cyberbullying, harassment at malisyosong content na nagmumula sa outside world at maaaring makaapekto sa mga housemates.
Bilang alternatibo, ilulunsad ang iWant PBB Extra na magtatampok ng curated clips o piling video highlights para sa mga viewers na gustong makasubaybay sa mga ganap sa loob ng Bahay ni Kuya.
Mapapanood din sa iWant ang full episodes ng programa simula 3 PM.
Layunin ng pagbabagong ito na maprotektahan ang mga housemates laban sa online harassment at iba pang mapanirang content.
Pahayag ng management, “Binuksan ng ABS-CBN ang livestream mula sa Bahay ni Kuya para mas makilala ng mga manonood ang Housemates, malaman ang kanilang mga kuwento, maintindihan at matuto sa mga pinagdaanan nila sa buhay. Ngunit may mga iresponsableng netizens na inaabuso at sinasamantala ang livestream para gumawa ng mali, malisyoso at mapanirang kuwento tungkol sa Housemates na maituturing nang libelous.
“‘Di tama ang pagbabaluktot sa mga kuwento, pagbibigay ng masamang kahulugan sa mga sinasabi ng Housemates at paghuhusga sa kanila sa social media.
“Ang pag-edit at pag-share ng mga video mula sa livestream kahit ‘di pa nagkakaroon ng pagkakataon si Big Brother na kausapin at gabayan ang Housemates ay ‘di nagpapakita ng kabuuan ng kuwento. Para sa kaligtasan at kapakanan ng Housemates at kanilang mga pamilya, nagdesisyon ang ABS-CBN at GMA na itigil ang lahat ng livestream ng Pinoy Big Brother Collab 3.0 simula ngayong gabi (November 21, 2026).
“Kinokondena namin ang cyberbullying, paninira ng pagkatao, sama-samang pangha-harass, pagbabanta at pagpapalaganap ng galit, negativity at toxicity sa social media. Hinihikayat namin ang lahat na magpakita ng kabutihan at respeto para sa lahat ng mga Housemates at para sa isa’t isa.
“Sama-sama tayong mag-enjoy sa panonood ng PBB Collab 3.0 at gawing positibo at good vibes ang social media interactions ng lahat. Patuloy nating subaybayan ang kuwento ng mga Housemates sa regular na PBB episodes, official digital content at sa bagong iWant PBB Extra.
“Maraming salamat sa inyong pag-unawa at patuloy na suporta.”
Naging desisyon nila ito dahil sa mga personal attacks laban kina Cianne Dominguez, Shea Valerio, Mikee Quintos at iba pang PBB housemates online.





Comments