@Editorial | January 4, 2024
Kapag sinabing bawal, bawal. Gayunman, may mga tao na sadyang matitigas ang ulo at walang pakialam masunod lang ang gusto.
Katulad ng matagal nang problema sa mga pasaway na tsuper. Hanggang ngayon ay may mga report kaugnay ng pagbiyahe ng mga tricycle at pedicab driver sa national road. Bagay na nagiging sanhi umano ng aksidente.
Kaya muling ipinaaalala na mahigpit na ipinagbabawal ang mga tricycle, pedicab at motorized pedicab na bumiyahe sa mga pangunahing daan.
Kasabay nito ang panghihikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng lokal na pamahalaan na ipatupad ito sa pamamagitan ng inilabas na Memorandum Circular No. 2023-195 kamakailan.
Napag-alaman na sa taong 2022 lamang ay nasa 2,829 ang naitalang road accidents sa Metro Manila na may kaugnayan sa bikes, e-bikes at pedicabs. Habang 2,241 naman ang road accidents na may kaugnayan sa tricycle.
Sana matuto naman tayong sumunod sa batas alang-alang sa kaligtasan ng lahat.
Ganundin sa kinauukulan, sikapin nating maipatupad ang utos at hindi ‘yung pagtapos lang ng ilang araw na paghihigpit, wala na namang pakialam sa mga pasaway.
Gawin nating ligtas ang mga kalsada para walang buhay na masayang, plis lang.
Comments