Transport Modernization Program, tuldukan na
- BULGAR
- Aug 2, 2024
- 1 min read
by Info @Editorial | August 2, 2024

Uminit na naman ang isyu sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na ngayo’y tinatawag ng Public Transport Modernization Program (PTMP).
Ito ay matapos pirmahan ng mga senador ang isang resolusyon na magsususpinde sa programa.
Hirit ng mga mambabatas sa administrasyong Marcos, iresolba muna ang mga valid at urgent concerns ng mga tsuper, operator, unyon at transport cooperatives.
Ang kahilingan ay nakapaloob sa Senate Resolution (SR) No. 1096 na iniakda ni Sen. Raffy Tulfo at nilagdaan ng 21 pang senador. Tanging si Sen. Risa Hontiveros ang hindi lumagda sa resolusyon.
Una nang lumabas sa pagdinig ng Senate committee on public services na pinamumunuan noong Hulyo na hindi umano planado at minamadali ang modernization program.
Sinabi rin ng mga senador na ang mga maliliit na stakeholder, partikular na ang mga drayber na nananatiling unconsolidated, ang nawawalan ng pangkabuhayan.
Sa haba ng itinakbo ng usapin sa PUVMP, nakalulungkot na hindi pa rin smooth ang ‘biyahe’. Hanggang ngayon, tila ‘yun at ‘yun pa rin ang reklamo kaya hindi makausad.
Kaya panawagan sa mga otoridad, plis lang, magdesisyon na. Kung walang problema, tuloy ang arangkada pero kung may nakikita talagang sablay, tanggapin na natin at gawan ng paraan.
Huwag sanang mangyari na malagay pa sa alanganin ang kabuuang sistema ng transportasyon.
Kung ang magkabilang partido ay patuloy sa pagbabanggaan, kasamang maiipit ay ang publiko at yari na naman ang kabuhayan.






Comments