Surge pricing, cancellations sa TNVS, ‘wag hayaang lumala
- BULGAR

- 2 days ago
- 1 min read
by Info @Editorial | December 5, 2025

Tuwing panahon ng kapaskuhan, hindi lamang trapik at pila sa mga terminal ang lumalala — kasabay nito ang reklamo ng publiko sa surge pricing at biglaang ride cancellations mula sa Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Sa gitna ng pagdagsa ng pasahero at limitadong transportasyon, tila nagiging mas malinaw ang butas sa regulasyon at ang kawalan ng disiplina ng ilan sa mga operator at driver.
Sa isang banda, hindi masama ang surge pricing. Isa itong paraan upang hikayatin ang mas maraming driver na pumasada sa oras ng mataas na demand. Pero nagiging problema na ito 'pag umaabot sa hindi makatuwirang halaga na malinaw na umaabuso sa pangangailangan ng publiko. Mas nakakadagdag pa sa problema ang paulit-ulit na ride cancellations.
Karaniwan umano itong nangyayari kapag nakita ng driver na hindi “pabor” ang destinasyon, o kaya nama’y naghahanap sila ng pasaherong mas mataas ang surge fare. Malinaw na naaagrabyado ang mga nagbabayad nang tama at sumusunod sa sistema.Kaya’t tama lamang na paigtingin ang monitoring at magpatupad ng mas mahigpit na penalty laban sa mga TNVS operator at driver na lumalabag.
Gayundin, kailangang obligahin ang mga platform na maging mas transparent sa kanilang surge algorithms at magbigay ng malinaw na proteksyon sa mga pasahero laban sa pang-aabuso.
Kailangang tutukan din ang ugat ng problema: ang kakulangan ng alternatibong transportasyon, lalo na tuwing peak season.





Comments