Publiko, ipit sa banggaan ng transport groups at gobyerno
- BULGAR

- 5 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | December 7, 2025

Tatlong araw na tigil-pasada ang inaasahan mula Disyembre 9 hanggang 11, sa buong bansa.Ito ay bilang protesta umano sa walang habas na panghuhuli at pangongotong ng mga ahensya ng transportasyon.
Kasabay ng pagkondena sa sinasabing sunud-sunod at sistematikong panggigipit na ginagawa umano ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), at Land Transportation Office (LTO) sa mga tsuper at operator ng pampublikong sasakyan.
Tuwing may tigil-pasada, parehong nalalagay sa alanganin ang publiko at ang mga tsuper. Naaantala ang pasok ng mga manggagawa at estudyante, tumataas ang gastos sa biyahe, at bumabagal ang takbo ng ekonomiya.
Ang ugat ng protesta ay malinaw: maraming tsuper at operator ang takot na mawalan ng kabuhayan dahil sa mataas na gastos at magulong pagpapatupad ng modernisasyon.
Kung ipipilit ng gobyerno ang pagbabago nang hindi isinasaalang-alang ang tunay na kalagayan ng mga tsuper, hindi matatapos ang tensyon.
At kung patuloy namang magtitigil-pasada ang transport groups, ang taumbayan din ang unang tatamaan.
Sa dulo, simple ang punto: ang modernisasyon ay tama, pero ang paraan ay dapat makatao. Hindi kailangang may matalo — kung pareho lang handang makinig, magbigay at magtulungan.





Comments