Traffic enforcers na pasaway, tuluyan
- BULGAR

- 1 day ago
- 1 min read
by Info @Editorial | January 29, 2026

May insidente na naman ng pangongotong na kinasasangkutan ng ilang traffic enforcer.
Sa halip na magsilbi bilang tagapagpatupad ng batas at kaayusan sa kalsada, ginamit ng enforcers ang kanilang kapangyarihan upang kumita sa maling paraan.
Ang ganitong gawain ay hindi lamang paglabag sa batas, kundi pang-aabuso sa tiwalang ipinagkaloob ng publiko.
Responsibilidad ng pamahalaan na papanagutin ang mga ganitong enforcer. Hindi sapat ang suspensyon o paglipat ng puwesto. Kailangang may malinaw na parusa upang magsilbing babala na hindi kinukunsinti ang katiwalian, gaano man ito kaliit. Kasabay nito, dapat ding palakasin ang mekanismo ng pagrereklamo—madali, mabilis, at may proteksyon para sa mga naglalakas-loob na magsumbong.
Sa huli, ang disiplina sa kalsada ay nagsisimula sa disiplina ng mga nagpapatupad ng batas. Hangga’t may traffic enforcer na nangongotong at nakakalusot, mananatiling barado hindi lang ang daloy ng trapiko, kundi pati ang hustisya. Ang lansangan ay para sa lahat—hindi ito dapat gawing hanapbuhay ng mga tiwali.






Comments