@Editorial | November 8, 2023
Magkakabigayan na ng bonus sa mga ahensya ng gobyerno at pribadong kumpanya.
Sa kabilang banda, may mga kababayan tayo na wala na ngang inaasahang bonus, wala pang katiyakan kung kelan makakahanap ng regular na trabaho. Todo-kayod na lang sa paghahanap ng mga puwedeng mapagkakitaan kahit pa-ekstra-ekstra.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng pamahalaan na tuloy ang ayuda sa mga mahihirap na pamilya. Ito ay kahit na bumagal ang inflation o ang pagtaas ng presyo ng bilihin noong Oktubre. Nasa 4.9 percent ang inflation noong Oktubre, mas mabagal kumpara sa 6.1 percent noong Setyembre.
Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), tuloy ang ayuda sa vulnerable sectors dahil sa epekto ng El Niño na inaasahang tatagal ng hanggang kalagitnaan ng 2024.
Totoo naman na malaking tulong ang ayuda na ibinibigay ng gobyerno, naitatawid nito ang ibang pangangailangan ng mag-anak lalo na ang pag-aaral ng mga bata. Pero, tulad ng laging sinasabi ng mga benepisyaryo, mas gusto sana nila ay trabaho o kabuhayan para hindi na umasa sa ayuda at upang mailaan pa ito sa ibang pangangailangan ng bansa.
Kaya ito ang isa sa mga programa na sana’y mabigyang pansin ng local government units, ang mapalawak ang mga proyekto at programa sa barangay na magbubukas ng oportunidad sa mga residente. Sa mga bagong halal na opisyal sa barangay, gamitin na ang pagkakataon para tuparin ang inyong mga ipinangako sa mga kabarangay na magiging kaagapay sa pamumuhay.
Comments