Torpeng crush, magiging first bf at makakatuluyan
- BULGAR
- Aug 24, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | August 24, 2022

KATANUNGAN
May crush ako, pero may pagka-torpe at mahiyain siya. Nasa guhit ba ng mga palad ko na siya ang magiging first boyfriend ko? Malapit na akong mag-20 years old sa December, pero kahit minsan ay hindi pa ako nagkaka-boyfriend.
Sabagay, marami naman akong manliligaw, pero hindi ko naman sila gusto. Ang isa kong crush ay classmate ko noong elementary, pero hindi ko alam kung bakit hindi niya yata napapansin ang beauty ko o likas siyang mahiyain. Kaya minsan, hindi ko maiwasang itanong sa aking sarili kung may crush din ba sa akin ang lalaking ito?
Maestro, dapat ba akong umasa o makipagrelasyon sa iba kahit hindi ko siya type? Pero parang hindi ko naman magagawa dahil minsan lang ako nagka-crush at siya na talaga ang gusto kong maging boyfriend. Matutupad ba ang pangarap kong ito?
KASAGUTAN
Kung ang sinasabi mong lalaki ay isinilang sa zodiac sign na Leo, Aries, Gemini o May ang kapanganakan at may birth date na 5, 14, 23, 9, 18, 27, 7, 16 at 25, tiyak ang magaganap, ayon sa Astro-Numerology na pag-aanalisa, sa taon ding ito ng 2022, magiging boyfriend mo siya.
Ang pag-aanalisang walang gaanong kabiguan sa pag-ibig na itatala sa iyong kapalaran ay madali namang kinumpirma ng maganda, walang bilog at hindi nalatid na Heart Line (Drawing A at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na hindi ka naman mabibigo sa aspetong emosyon o damdamin. Bagkus, ang totoo, ang nakatuntong na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa Bundok ng Jupiter na tinatawag ding Bundok ng Kaligayahan (arrow b.) ay nagsasabing isang romantikong pag-ibig at masayang pakikipagrelasyon ang nakalaan sa iyo.
Ang mas maganda pa, ang kaisa-isang malinaw, mahaba at makapal ding Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad ay nagsasabing, ang unang seryoso, meaningful at puno ng kaligayahang pag-ibig at pakikipagrelasyon ang siya na ring makakatuluyan at mapapangasawa mo.
MGA DAPAT GAWIN
Sa aktuwal na pangyayari sa ating buhay, masasabing bihirang-bihira lang na may crush sa isa’t isa ang nagkakatuluyan dahil sa panahong teenager ang nasabing mga indibidwal, kapag may crush ka sa isang babae o lalaki, para bang nahihiya kang kausapin at makipagkuwentuhan sa kanya. At dahil likas kang mahiyain sa iyong crush at nahihiya rin sa iyo ang crush mo, napupurnada ang mabubuo at magiging maligayang relasyon.
Ngunit sa sitwasyon mo, Elliyah, masasabing sinusuwerte ka dahil ayon sa iyong mga datos, ang kasalukuyang crush mo ang iyong magiging boyfriend bago sumapit ang Pasko ngayong taon, na sa takdang panahong inilaan ng kapalaran, sa buwan Oktubre o Disyembre magaganap at unti-unting mabubuo ang nakakikilig at masayang relasyon.







Comments