Todo-tiis sa panggugulpi ng Japanese mister, balak makipaghiwalay pero ‘di matutuloy
- BULGAR
- May 5, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | May 5, 2022

KATANUNGAN
Taong 2018 nang nakapag-asawa ako ng isang Japanese. Noong una ay okey naman ang aming pagsasama at masasabi kong mabuti siyang tao, ngunit nang tumagal ay pinagmamalupitan niya na ako. Hindi ko naman siya mahiwalayan dahil siya ang bumubuhay sa akin, gayundin sa mga magulang ko at sa gastusin sa pinag-aaral kong mga kapatid, kaya tinitiis ko ang kalupitan niya.
Sa palagay n’yo, magbabago pa ba siya ng ugali? Kung ikaw ang nasa katayuan ko, Maestro, ano ang gagawin mo, magtitiis ka ba o pipiliin mong humiwalay sa asawa mong ito?
Ano ang nasa guhit ng aking mga palad, lalo na ang Marriage at Heart Line, sadya bang itinakda na akong magtiis sa pag-ibig habambuhay?
KASAGUTAN
Nakapagtatakang ayos at maganda ang kaisa-isang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Malinaw na tanda na anumang pagmamalupit ang sapitin mo sa iyong asawa, magbago man siya o hindi, tunay ngang kayang-kaya mong tiisin ang lahat ng ‘yan.
Ibig sabihin, hindi pa rin kayo maghihiwalay at ang ikinaganda pa nito, wala namang nakikitang panganib sa maayos, mahaba at magandang Life Line (Drawing A. at B. L-L arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad upang ikabahala ang iyong kaligtasan sa pagmamalupit na ginagawa ng iyong asawa.
Sa madaling salita, anumang pananakit ang tanggapin mo sa iyong asawa, sad to say na mananatiling buo ang inyong pamilya. Kasabay nito, mananatili kang ligtas sa anumang grabeng pinsala at kapahamakan.
MGA DAPAT GAWIN
Kaya naman isipin din na kung hindi mo matitiis ang mga pananakit sa iyo, tunay ngang mawawalan ka ng sustento, muling maghihirap ang mga magulang mo at posible ring mahinto sa pag-aaral ang mga kapatid mo.
Samantala, dahil ikaw ang may katawan, nasa iyo pa rin ang pagpapasya. Ngunit kung pakasusuriin ang guhit ng iyong mga palad, tulad ng nasabi na, anumang pagmamalupit ang gawin ng mister mo, kaya mong tiisin ‘yan hangga’t may “time table”— kung hanggang kailan ka magtitiis, kapag nakatapos na ang iyong mga kapatid sa kolehiyo at naging propesyunal na sila at gumaan na ang aspetong pangmateryal ng inyong pamilya.
Sa ganu’ng paraan, maghiwalay man kayo, mas makatitiyak na magkakaroon na ng maunlad at asensadong buhay ang iyong pamilya. ‘Ika nga ni Leonardo da Vinci, “There is no perfect gift without great suffering.” Tunay ngang walang malaking gantimpala kung hindi matututong magtiis at magpakasakit ang bawat isa.
Tulad din naman ni Jesus, ‘ika nga ng mga relihiyoso, nagdusa at nagpakahirap Siya hanggang sa mapako at mamatay sa krus upang iligtas ang makalasanang mundo. Sa kaso mo, muli, ayon sa iyong mga datos, magdurusa at magtitiis ka sa pagmamalupit ng iyong asawa habang nag-aaral pa ang iyong mga kapatid at hindi pa gaanong asensado ang buhay n’yo. Ngunit kapag lumuwag-luwag na ang buhay n’yo pero hindi pa rin magbabago ang iyong asawa, mas mabuti pang layasan mo na siya.




Comments