Todo-sising nagpakasal sa mayaman dahil pangit na, babaero pa
- BULGAR
- Nov 9, 2022
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | November 9, 2022
Dear Sister Isabel,
Isa akong masunurin na anak at mahal na mahal ko ang aking mga magulang, kaya kahit labag sa kalooban ko ay sinunod ko ang gusto nila na magpakasal ako sa lalaking mayaman, pero mas matanda sa akin nang 10 taon. Bukod pa ru’n, hindi naman siya guwapo, pero sabi ng mga magulang ko, mabait siya. Naniwala naman ako, kaya nagpakasal ako, subalit nagkamali ako. Totoo na mayaman siya, pero hindi siya guwapo at hindi sapat ‘yun sa pinangarap kong buhay bilang ilaw ng tahanan.
Nasasabi ko tuloy sa aking sarili na mas mabuti pa na nag-asawa ko ng guwapo dahil ang hirap tanggapin na pangit na nga siya, babaero pa. Mabuti pa siguro kung hindi ko na sinunod ang mga magulang ko dahil hindi talaga ako maligaya ngayon.
Bakit hindi na lang hayaan ng mga magulang ang kanilang anak na magpakasal sa taong tinitibok ng puso nila? Huwag na sana silang makialam, lalo na kung pipilitin nilang magpakasal ang kanilang anak sa mayaman at akala ay mabait na lalaki.
Problemado ako ngayon at dalawa na ang anak namin. Hindi ko na kaya ang pambababae ng asawa ko, kaya gusto ko na siyang hiwalayan. Tama ba ang balak kong gawin? Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Loida ng Zambales
Sa iyo, Loida,
Hanga ako sa pagiging masunurin mong anak dahil bihira na ang ganyan ngayon.
Ang masasabi ko sa problema mo ay nand’yan na ‘yan at may dalawa na kayong anak, kaya mahirap kung ngayon mo pa siya hihiwalayan. Isipin mo kung paano ang magiging buhay mo kung wala ka namang pinagkakakitaan at umaasa ka lang sa asawa mong mayaman? Marahil ay lilipas din ang pambababae niya, kumbaga, pampalipas-oras niya lang dahil marami siyang pera at gusto niyang paligayahin ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga babae. Magsasawa at titino rin ‘yan, gayundin, maiisip niya na may asawa siyang pinakasalan at may pamilya na kayo.
Dahil d’yan, ipagdasal mo na magbago siya. Ang mahalaga, hindi ka naman kinakapos sa buhay at hindi niya kayo pinababayaan sa inyong pangangailangan at luho sa katawan.
Taimtim na dasal ang dapat mong gawin, tumawag ka sa Diyos na saksi ng sumpaan n’yo sa harap ng altar. Makikita mo, isang araw ay magigising ka at hindi na nambababae ang asawa mo. Ganyan ang role ng babae bilang kabiyak ng puso ng asawa niya — pagtitiis, sakripisyo, at pagmamahal sa pamilya hanggang sa dulo ng walang hanggan.
Lakip nito ang dalangin na dinggin ng Diyos ang dasal mo para sa pagbabago ng iyong asawa tungo sa mabait, mapagmahal at responsableng mister na walang tanging iibigin kundi ikaw.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments