top of page

Todo-sisi na pinalaking spoiled ang mga anak

  • BULGAR
  • Nov 21, 2022
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | November 21, 2022


Dear Sister Isabel,


Ang problema ko ay tungkol sa apat kong anak dahil madalas silang magkainggitan. Nagseselos sila sa isa’t isa kung sino sa kanila ang mas binibigyan ng atensyon, kahit sa totoo lang ay pantay-pantay naman ang pagtingin naming mag-asawa sa kanila. Wala kaming favoritism, subalit nagkakaasaran pa rin ang mga bata. Mahirap pala talagang magpalaki ng anak, lalo pa’t teenager na silang lahat.


Hindi kami striktong mag-asawa at kung ano ang gusto nila ay ibinibigay namin dahil ang mahalaga ay makita namin silang masaya, pero naisip ko na mas mabuti siguro kung naging strikto kami gaya ng ginawa ng mga magulang namin noon. Dahil du’n, naging matino kami, may paggalang at masunurin, walang halong inggit sa bawat isa, may takot sa mga magulang at may disiplina sa sarili.


Sa ngayon, pakiramdam ko ay masyado naming na-spoil ang mga bata, kaya hindi malalim ang respeto nila sa amin. Palasagot din kasi sila at kung ano ang gusto ay ‘yun ang dapat na masunod. Nagkamali yata kaming mag-asawa ng pagpapalaki dahil masyado kaming naging mabait. Mas mainam siguro kung maging strikto kami, ano sa palagay n’yo, Sister Isabel? Hihintayin ko ang tugon n’yo.


Nagpapasalamat,

Lolit ng Pangasinan



Sa iyo, Lolit,


Sadyang mahirap magpalaki ng mga anak. Kadalasan ay gusto nating mga magulang na huwag nilang danasin ang pinagdaanan natin noon na sobrang higpit ng mga parents natin. Gusto natin ay masaya sila at hindi masama ang loob sa mga magulang dahil sa pagiging strikto. Pero napatunayan natin na ang style na ‘yun ng mga magulang natin ay epektibo dahil lumaki tayong matino, may disiplina, may respeto sa mga magulang at nakamit natin ang inaasam-asam na tagumpay.


Sa ngayon, nagiging problema mo tuloy ang mga anak mo dahil sobrang bait n’yong mag-asawa sa kanila. Gayunman, hindi pa huli ang lahat. Ipaunawa n’yo sa kanila ang tama at mali. Ipakita n’yo sa kanila na bilang mga magulang, ang hangad n’yo ay ang kanilang kabutihan.


Ipinapayo ko naman sa inyong mag-asawa na bawasan ang pagiging sobrang mabait upang hindi sila maging spoiled. Iwasan din ang pagiging sobrang strikto. Kumbaga, lumagay lang kayo sa gitna at natitiyak ko na mapapasunod n’yo pa rin ang mga anak n’yo.


Sa pamamagitan ng talino ng isipan at may halong pagmamahal, mababago mo ang pagiging spoiled ng iyong mga anak. Malalagay sa ayos ang pakikitungo nila sa inyong mag-asawa at matutupad ang pangarap mo sa buhay na lumaki silang may mabuting asal.


Hanggang dito na lang, pagpalain nawa kayong lahat ng Dakilang Kataas-taasan.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page