top of page

Todo-sakripisyo para sa bf na mama’s boy, makakatuluyan din

  • BULGAR
  • May 29, 2022
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| May 29, 2022


Dear Maestro,


First boyfriend ko ang dyowa ko ngayon. Wala pa kaming isang taon, pero marami na akong problema at sakripisyong ginawa para sa kanya. Mabait naman siya, pero mama’s boy at lahat ng sinasabi ng mama niya ay sinusunod niya kahit apektado na ang aming relasyon.


Sa totoo lang, pinagbabawalan siyang mag-girlfriend hangga’t hindi pa siya nakakatapos ng college, kaya lumalabas na lihim ang aming relasyon at madalas, ako ang nag-a-adjust para lang maisalba ang relasyon namin. Gayundin, mas matanda ako sa kanya nang dalawang taon.


Nasa abroad pala ang papa niya at ang balita raw ay may babae ru’n, pero buo pa rin ang pamilya nila. Minsan tuloy, iniisip ko kung bakit ako napasok sa magulong buhay ng boyfriend ko, gayundin, magtatagal ba ang relasyon namin kahit medyo magulo ito?


Sana ay mapayuhan n’yo ako dahil mahal na mahal ko siya at ayaw kong mawala siya sa akin. Ang problema, ako na lang ang ginagawa niyang shock absorber sa mga problema niya. May pag-asa pa ba kaming magkatuluyan at kapag nangyari ‘yun, magiging magulo rin ba ang itatayo naming pamilya? March 17, 1999 ang birthday ko habang July 16, 2001 ang birthday niya.


Umaasa,

Cindy ng San Pedro, Morong Rizal


Dear Cindy,


Ganyan talaga ang buhay. Kapag nagmamahal, kailangang magsakripisyo ka, alang-alang sa iyong minamahal. Ang totoo kasi, walang kuwenta ang pagmamahal kung walang mga sakripisyo ang bawat isa dahil ang mga pagtitiis at sakripisyong ito ang nagpapalalim sa inyong pag-iibigan.


‘Ika nga ni Mother Teresa, “I have found the paradox that if I love until it hurts, then there is no hurt, but only more love.” Kumbaga, ang tunay na esensiya ng pagmamahal ay masaktan, at sa sandaling puro sakit na lang, lulutang ang tunay na diwa ng pagmamahal.


Ang problema sa sitwasyon mo, ikaw ang palaging nagtitiis at nagbibigay sa boyfriend mo, pero alam mo, okey lang ‘yun dahil sabi mo nga, mahal na mahal mo siya. At hangga’t kaya mong magtiis at magsakripisyo dahil sa pag-ibig na inuukol mo sa iyong karelasyon, sumige ka lang dahil sa bandang huli, kapag nag-mature ang personalidad ng boyfriend mo, sa panahon namang ‘yun, kusang magiging maligaya ang inyong relasyon.


Samantala, sadyang magiging maligaya ang inyong relasyon paglipas pa ng ilang panahon, dahil ang zodiac sign mong Pisces na may elementong water o tubig ay tulad ng zodiac sign na Cancer ng boyfriend mo na nagtataglay ng parehong elemento. Ibig sabihin, sa Western Astrology, compatible kayong dalawa.


Habang sa Numerology, halos ganundin ang pag-aanalisa —ang strong number mong 17 o 8 (ang 17 ay 1+7=8) ay tugma sa weak number niyang 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7). Ang pagsasama ng weak at strong number ay sadyang balanse, nagiging masagana at sa bandang huli ay nagiging habambuhay na maligaya.


Sa madaling salita, kaunting tiis pa, Cindy, dahil umiibig ka, kaunting pasensiya pa dahil nagmamahal ka. Makikita mo na sa huli, mararating mo rin ang “highest point” ng tunay at wagas na pag-ibig. Kasabay nito, makikita rin ng boyfriend mo ang mga sakripisyo na ginagawa mo para sa kanya at lalo ka rin niyang iibigin at sa huli, kayo na ang magkakatuluyan, hanggang sa makabuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya. Ito ay nakatakdang mangyari sa taong 2027, sa edad mong 28 at 26 naman ang boyfriend mo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page