top of page
Search
  • BULGAR

Todo-hinalang may relasyon ang kumare at mister

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | November 30, 2022


Dear Sister Isabel,


Sumaiyo nawa ang pagpapala ng Diyos na Dakila upang marami pa kayong matulungan sa mga dumudulog sa inyo upang humingi ng payo at isa na ako ru’n. Ang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa kumare ko na napapadalas ang punta sa bahay namin kahit wala naman kaming mahalagang bagay na gagawin.


May talyer kami sa bahay dahil mekaniko ang asawa ko at dito lang siya tumatanggap ng mga sirang sasakyan. Napansin ko na parang may gusto ang kumare ko sa kanya dahil ‘pag pumupunta siya sa bahay ay napakaseksi ng suot na talaga namang mapang-akit. Siyempre, lalaki ang asawa ko at hindi malayong maakit sa kanya. Kumbaga, palay na ang lumalapit, tatanggihan pa ba niya?


Nitong mga huling araw, hindi na pumupunta ang kumare ko rito, pero napansin ko na ang asawa ko ay madalas umaalis ng bahay at madalas ding lumuwas sa Maynila at idinadahilan na may bibilhing spare parts ng sasakyan sa Maynila lang mabibili. Kaya may kutob ako na naakit na siya sa kumare ko at pinatulan na niya. Tumabang na rin ang pakikitungo niya sa akin at madalang na kaming magniig at halos napipilitan lamang siya.


Ano ang dapat kong gawin? Gusto ko na siyang sitahin, pero nagpipigil ako dahil baka mauwi kami sa hiwalayan kapag inaway ko siya. Hihintayin ko ang payo n’yo.


Nagpapasalamat,

Imelda ng Laguna



Sa iyo, Imelda,


Huwag kang magpadalos-dalos nang wala namang sapat na ebidensiya. Mag-imbestiga ka muna nang palihim at siguraduhin mong tama ang ibinibintang mo sa iyong mister, gayundin sa kumare mo. Baka naman sa tindi lang ng selos kaya ka nagkakaganyan.

Para hindi ka ma-insecure, magpaganda ka nang todo at huwag mong pabayaan ang sarili mo. Maging maalalahanin ka rin sa mga pangangailangan ng asawa mo. Ipakita mo pa lalo kung gaano mo siya kamahal. Baka naman pagod lang siya sa trabaho kaya medyo matabang sa pakikipagniig sa iyo. Huwag kang masyadong judgmental.


Ito namang kumare mo ay nagsawa na siguro sa pagpaparamdam sa asawa mo, kaya tumigil nang pumunta sa inyo. Marahil ay nakonsensiya rin siya dahil alam niya na mali ang ginagawa niya. Gayunman, ipanatag mo ang iyong kalooban. Basta magkapiling kayo ng asawa mo at mahal n’yo ang isa’t isa at nanatili kang maalaga sa katawan, wala kang dapat ipag-alala.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page