Todo-alala sa mister na seaman
- BULGAR
- Apr 19, 2023
- 2 min read
ni Sister Isabel del Mundo @Mga Kuwento ng Buhay at Pag-ibig | April 19, 2023
Dear Sister Isabel,
Ang problema ko ay tungkol sa asawa kong seaman. Matagal din siyang hindi nakasakay ng barko dahil sa pandemya at laging nasisingitan ng mga aplikante na mas bata sa kanya dahil 43-anyos na siya.
Gayunman, labis ang pasasalamat ko nang pinatawag na siya ng dating employer niya para magtrabaho sa abroad, kung saan cargo ship ang nasakyan niya. Akala ko ay magiging maayos na ang pamilya namin, ngunit hindi pala.
Ang hirap ng kalagayan niya sa barko dahil malupit ang chiefmate nilang Turkish.
Sobra sa oras kung pagtrabahuhin sila, kulang pa sa pagkain at lagi silang sinisigawan at nitong huli ay nagkahawa-hawa sila, lahat sila ay may ubo’t sipon.
Nagreklamo na ang isang kasamahan nila dahil sa maling pagtrato sa kanila ng chiefmate nila, tinanggal umano agad ito sa trabaho, at pinauwi sa Pilipinas. Awang-awa na ako sa asawa ko dahil hirap na hirap na siya ru’n, hindi ko naman masabing umuwi dahil mawawalan kami ng panggastos ng tatlong anak namin na pawang nag-aaral pa. Ang sabi ko lang ay magdasal, tumawag sa Diyos, at magtiis lang siya.
Ano ang mabuti kong magagawa para makatulong sa kanilang dumaranas ng hindi makataong pagtrato ng kanilang chiefmate? Sana ay matulungan n’yo ako. Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat, Elvira ng Cavite
Sa iyo, Elvira,
Nakaka-touch naman ang problemang isinangguni mo. Ang pinakamagandang magagawa mo ay ipaalam sa kinauukulan ang kalagayan ng asawa mo at iba pang kasama niya sa barkong sinasakyan nila. Lumapit ka sa ahensya ng pamahalaan na nagmamalasakit sa mga seaman na nagtatrabaho sa abroad dahil sila ang gagawa ng kaukulang hakbang.
Kung magsasawalang-kibo ka lang ay walang mangyayari, kaya kumilos ka na ngayon, humingi ka ng saklolo sa ahensya ng gobyerno o kung gusto mo naman, isumbong mo kay Sen. Raffy Tulfo. Mas mabilis siyang umaksyon at sadyang tumutulong sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa abroad na inaapi ng kanilang employer.
Umaasa akong masosolusyunan agad ang problema mo. Dagdagan mo pa ang panalangin para makatiyak ka na malalagay na sa mabuting kalagayan ang asawa mo at iba pa niyang kasamang Filipino ru’n na nagtatrabaho para sa kanilang mga mahal sa buhay dito sa Pilipinas.
Hanggang dito na lang. Pagpalain ka nawa at ang pamilya mo habambuhay.
Sumasaiyo, Sister Isabel Del Mundo
Comments