Tiwala ng dragon, ‘di basta naibabalik dahil sobra kung magalit
- BULGAR
- Mar 16, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Forecast | March 16, 2021

Ipagpatuloy natin ang pag-aanalisa sa pangunahing ugali at magiging sadlakang kapalaran ng animal sign na Dragon ngayong Year of the Metal Ox.
Kung ikaw ay isinilang noong 1928, 1940, 1952, 1964, 1976, 1988, 2000, 2012 at 2024, ikaw ay naiimpluwensiyahan ng animal sign na Dragon.
Sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, sinasabing sa mura o maagang edad, madaling nai-in love ang isang Dragon at kapag hindi nila nakatuluyan ang kanilang puppy love, malamang na iburo na lang niya ang kanyang buhay sa pagtandang binata o dalaga.
Subalit sa totoo lang, karamihan naman talaga sa isang Dragon ay hindi nakatutuluyan ang kanilang first love. Ang kadalasan pa ngang nangyayari, tulad ng nasabi na ay nabibigo sila sa unang pag-ibig. May mga Dragon na hindi na nakaka-recover sa kabiguang ito kung saan kahit umibig pa siyang muli, hindi na kasing tindi ng nauna niyang pag-ibig. Kadalasan din, dahil nabigo sa unang pag-ibig o pakikipagrelasyon, nahihirapan na muling magtiwala ang isang Dragon na mayroon pang forever o totoong pag-ibig.
Sa kabilang banda, may mga Dragon naman na nakaka-recover sa unang pag-ibig o pakikipagrelasyon na nagdulot sa kanila ng matinding kabiguan at pagkasawi, ngunit bibihira lang sila at kung maka-recover man, upang habambuhay na maging maligaya, dapat ang kanilang maging ikalawang pag-ibig o pakikipagrelasyon ay kamukhang-kamukha ng kanilang unang nakarelasyon, lalo na sa pisikal na hitsura. Sa ganu’ng paraan, ‘pag may malaking pagkakahawig ang naging unang boyfriend o girlfriend sa ikalawang karelasyon, may pangako ng isang maligaya, maunlad at panghabambuhay na pag-ibig.
Dagdag pa rito, bagama’t mahirap mapaibig ang isang Dragon o matagal siyang na-in love, sinasabi namang kapag nakuha mo ang kanyang tiwala at simpatya, tiyak namang panghabambuhay ka na niyang mamahalin.
Sa sandaling nagtiwala ang isang Dragon, isang pagkakamali mo lang sa kanya, ‘yun bang sinira mo ang pagsamba at pagtitiwalang ibinigay niya sa iyo, sobrang hirap na siyang magpatawad dahil bago ka pa nagkasala, hindi niya lubos na maisip na ang pagsamba at pagmamahal na ginawa niya sa iyo ay magagawa mong sirain sa isang iglap o biglaang pagkakamali lamang. Kaya kung ikaw ay may boyfriend o girlfriend na Dragon, hindi mo siya dapat pagsamantalahan o lokohin dahil kapag ganu’n ang nangyari, akala mo lang na pinatawad o nauto mo siya, pero darating at darating ang panahong gagantihan ka niya nang palihim o lantaran dahil sa isang panloloko o pagkakamali na nagawa mo sa kanya.
Tugmang-tugma naman sa isang Dragon ang may karisma ay may pagkatusong Unggoy. Sa pagnenegosyo at aspetong pagpapaunlad ng kabuhayan, eksakto naman sa isang Draon ang Rat o Daga dahil ang kanilang pagsasama ay siguradong magiging maunlad at maligaya.
Aalagaan naman ng Snake at lilimitahan ang pagiging sobrang agresibo ng isang Dragon, habang mapapawi ang pag-aalinlangan at lalo namang lalakas ang loob ng isang Snake at lalo pang magiging masigla kapag kasama niya ang isang Dragon dahil mararamdaman ng isang Ahas ang tunay na security sa piling ng isang matapang na Dragon.
Ang pagsasama ng parehong Dragon ay pinaniniwalaan ding tugma at compatible, kaya nakasisiguro rin sila ng masagana at maligayang pagsasama habambuhay.
Itutuloy






Comments