Tips sa tamang pagdamay sa kaibigang nagpapagaling
- BULGAR

- Jul 19, 2020
- 2 min read
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | July 19, 2020

Kapag ang isang kaibigan o mahal sa buhay ay mao-ospital o sasailalim sa emergency case, lalo ngayong panahon ng pandemya o kaya naman ay nasa isolation facility siya at nagpapagaling o kaya ay nasa bahay siya at nagpapahilom ng mga pinsala sa katawan, karaniwan sa loved-ones ang magkakaloob ng simpatiya, tulong, isang bagay na makagagaan sa pasyente para mas mabilis ang kanyang paggaling o recovery.
Ang ilang babanggiting may malasakit na pagkilos ay mainam na pag-asiste sa kanyang kailangan.
1. Patatagin ang iyong kabutihan at lakas. Gusto mo ba siyang pakainin, pero hindi ka marunong magluto? Bumili ka ng pagkain sa takeout counter para maibigay sa kanya o kaya ay bigyan siya ng discount gift check sa lugar na puwede niyang puntahan at kapag magaling na siya ay puwede na niyang magamit ito at mapasyalan.
2. Isipin ang mga bagay na hindi niya nagagawa ngayon. Habang nagpapagaling at mahina pa ang pasyente, hindi pa siya nakakakain nang sapat. Ang tunay niyang kailangan sa ganyang sitwasyon ay ang may mag-asikaso sa kanyang tahanan, ang kanyang mga anak o iba pa niyang maraming gawain ay naiwanan niya tulad ng paglalaba, pamamalantsa, paglilinis ng bahay at pagluluto para sa mga anak niya. Bakit hindi ka magboluntaryong linisin ang kanyang bahay, i-disinfect o kaya ay lutuan ng pagkain ang kanyang mga anak ng tanghalian o hapunan?
3. Mag-alok ng espesipikong tulong, “Anuman ang iyong kailangan, tawagan mo lamang ako.” Pangkaraniwan lang na alok ‘yan, pero gaano ba karami sa atin ang magsasabi na ginagawa ‘yan ng kaibigan sa isang tao? Sabihin sa kanya na baka ikaw na muna ang mag-aalaga sa kanyang 6-anyos na anak habang nagpapagaling siya at kung okey lamang sa kanya.
4. Tawagan siya. Kung masama ang iyong pakiramdam at hindi ka makatupad sa iyong pangako, hindi masama kung tatawagan muna siya sa cellphone para mapagbilinan ang iba na humalili sa ‘yo kung hindi mo kaya. Ito ay para hindi sumama ang loob ng pasyente na umaasa sa ‘yo pagkaraan ay hindi ka sisipot.
5. Tuparin mo anuman ang iyong mga sinabing pangako. Mas masama na nangangako kang tutulong sa kaibigan, pero hindi mo naman pala matutupad ang iyong sinabi. Maliban lang kung may sarili kang emergency situation sa pamilya kaya siguro mauunawaan nila ang mahirap mong schedule para maigugol mo sa kanya.
6. Minsan, ang kailangan ng isang nagpapagaling na pasyente ay ang aliwin siya. Tawagan siya sa Messenger at kuwentuhan ng mga bagay na ikinatutuwa niya. Alam mo na marahil ‘yun kung ano dahil malapit ka niyang kaibigan o kaanak. Kung nais niyang manood ng pelikula, padalhan siya ng load sa kanyang mobile data para makapanood siya sa YouTube.
7. Huwag mo na lang masyadong papelan ang trabaho o tungkulin ng mister niya. Oo, matutuwa ang mister niya kapag may matulunging kaibigan ang misis niya habang nasa ospital ang huli.
Pero tiyaking huwag aagawan ng obligasyon at responsibilidad ang mister niya, lalo na sa pag-aalaga ng mga bata, hayaan mo lang na sumuporta ka at lagi siyang ipanalangin para sa agaran niyang paggaling.




Comments