top of page

Tips sa pag-welcome sa bagong kapitbahay na balik-probinsiya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 4, 2020
  • 3 min read

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | August 4, 2020




Nagbalikan na sa probinsiya ang halos kalahating milyon ng mga migrant workers ika nga na matatawag mula rito sa Metro Manila. Iyong iba riyan hindi naman basta tatambak na lang sa tahanan ng kanilang mga kaanak kundi mapapadpad din sa ibang lugar o barangay ng kanilang probinsiya gayung kailangan ng marami sa kanila ang mai-quarantine ng ilang araw.


Pero paano kung mapipirmi na sa inyong lugar ang bagong kapitbahay na iyan?

Nakakailang man na magkaroon ng bagong kapitbahay, paano mo nga ba sila sisimulang batiin o pakisamahan. Ganito ang gawin mo, kailangang maramdaman nila na sila ay welcome!


Heto ang ilang tips para matulungan ka na magawa mo ang unang hakbang sa pakikipagkaibigan at matanggap sila sa inyong lugar.


1. MAGPALIPAS MUNA NG ILANG ARAW. Mahirap ang maglipat o mag-ayos ng mga kagamitan. Napakalaking trabaho ang kanilang sinusuong sa kanilang pagbibitbit ng mga gamit na nagmula pa sa dati nilang tahanan. Pinakamabuting maghintay muna ng ilang linggo na naibaba na nang maayos ang kanilang kagamitan at naisalansan na sa kanilang bahay. Maghintay ng ilang linggo bago magpakilala sa kanila. Silipin mo sila sa pintuan o bintana at bahagya kang ngingiti sa kanila habang sila ay abala sa kanilang ginagawang pagbaba ng mga kagamitan.

2. KUMATOK SA KANILANG PINTUAN (saka na lang ito gawin kapag wala nang pandemya) o kaya ay kapag nakita ka nila o nasalubong sa daan ay batiin sila ng isang napakatamis na ngiti. Salubungin siya at kamayan este kawayan kasi bawal pa ang handshake ngayon, at saka mo sabihin ang iyong pangalan at kamo ay welcome sila bilang bago ninyong kapitbahay. Kung hindi ka komportable na sabihin agad sa kanya ang iyong apelyido, puwedeng sabihin na lang na, “Hi, ako si Maria, diyan lang ako nakatira sa kabila” at saka mo ituro ang iyong tirahan. Puwedeng bago mo gawin ang pagpapakilala ay magbitbit ka ng isang masarap na putaheng iyong iniluto, bigyan at patikman mo sila kung kanya itong magugustuhan.

3. MAGING PALAKAIBIGAN. Ngumiti at kailangang madama nila na sila ay welcome. Kailangang tingnan sila ng sinsero sa mga mata habang nakikipag-usap sa kanila. Gayunman, huwag na kaagad magtatanong ng anumang personal na bagay. Kailangang buksan mo pa rin ang tema ng pag-uusap at bukas na kalooban sa pakikipagkuwentuhan sa kanila. Huwag mong ipakita sa kanila na masyado ka nang nakikialam kung sunud-sunod ang personal na maurirat nang masyado ang iyong mga tanong sa kanila.

Ang mga katanungan na gaya ng, “Pamilyar na ba kayo sa lugar na ito?” at “Sana ay maging komportable kayo sa inyong pagtira rito at sana’y magustuhan ninyo ang lugar na ito.” Iyan ang magandang panimula sa inyong pagbubukas ng usapan.

4. KUNG NADISKUBRE MO NA ANG KAPITBAHAY ay hindi sanay sa ganoong lugar, maari kang magbigay ng ilang nakatutulong na impormasyon gaya ng telephone number ng munisipyo, ospital, bumbero, health center etc., papunta sa magagandang pasyalan, parke o maging sa pinakamalapit na doctor. Huwag masyadong marami na impormasyon. Mga ilang mahalagang nabanggit lamang na tulad niyan ang puwede mong maibigay na impormasyon. Huwag mo rin palang kalimutang banggitin kung saan ang palengke, grocery, simbahan at eskuwelahan sa naturang lugar. Anumang makatutulong na payo ay laging ayos lamang.

5. Matapos ang sandaling pag-welcome, nasa personal na pagpili mo na lang kung gusto mo na siyang maging kaibigan. Hindi mo alam sa unang mga hakbangin mong pakikipagkilala ay baka siya na ang maging tunay mong kaibigan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page