Tips sa bebot na gustung-gusto nang magka-dyowa

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| February 13, 2021
Dear Maestro,
Ang problema ko ay tungkol sa love life. Maganda naman ako sabi ng mga kaibigan ko, pero ang ipinagtataka ko ay bakit hanggang ngayon ay wala pa rin akong nagiging boyfriend? Hindi ako ligawin ng mga lalaki, gayundin, hindi naman ako nagmamadali, kaya lang, sa edad kong 28, ako na lang ang walang boyfriend sa aming magpi-pinsan at magba-barkada.
Kailan ba ako magkaka-boyfriend at ano ang kapalaran ko sa love life? October 15, 1992 ang birthday ko.
Umaasa,
Ms. Libra ng San Antonio, Bagac, Bataan
Dear Ms. Libra,
Kapag ang babae ay hindi gaanong ligawin ng mga lalaki, maaaring masabi na mahina ang kanyang karisma. Ang “karisma” o “charisma” ay hango sa salitang Greek na “charisma”, na nangangahulugang “favor freely” o “gift of grace”.
Maaari ring ito ay galing sa plural word na “charismata”, na hango naman sa salitang ugat na “charis” o “grace”, na nangangahulugang “filled with attractiveness”. Sa sarili kong paliwanag, kapag malakas ang iyong karisma, ikaw ay masasabing lubhang pinagpala at binibiyayaan ng likas na kagandahan.
Mapapansin mo rin na ang salitang “charity” ay halos kapatid o pinsang buo ng salitang “charisma”, kung saan ang ibig sabihin naman ng “charity” mula sa salitang Latin ay “carus”, na nangangahulugang “dear” o sabihin na nating “mapagmahal”.
Samakatuwid, sa mga depenisyong tinuran, para magkaroon ka ng “charisma” na aakit ng mga manliligaw at magagandang kapalaran, kailangang marunong kang magbigay (gift) at magmahal (love).
Sa ganyang paraan, kung mapagbigay at mapagmahal ka sa iyong kapwa, hindi mo na mamamalayan, kasabay ng “virtue” ng pagbibigay at pagmamahal, na araw-araw mong inuugali at isinasabuhay, magugulat ka dahil lalakas ang taglay mong karisma tulad ng mabango, kaakit-akit at makulay na bulaklak, kusa kang lalapitan ng mga bubuyog at paro-paro. Magugustuhan ka rin ng kalalakihan at hindi lang isa o dalawang tao kundi ng maraming tao ang magkakagusto, maaakit at susunod sa iyo.
Sa ibang salita, ang pagkakaroon ng pambihirang pang-akit sa kapwa ay hindi nagsisimula sa panlabas na ganda o anyo. Bagkus, ito ay nagsisimula sa “loob”, “kaibuturan ng iyong ugali” o “sa kalooban ng iyong puso”. Sa ganitong batayan, likas kasi sa iyo ang pagiging mabait at matulungin, magre-reflect ngayon sa panlabas mong pagkatao ang pag-ibig sa iyong kapwa na siyang magsisilbing pang-akit o panghalina sa maraming tao na kusang magkakagusto sa iyo. Dahil kung gaano kaganda ang loob ng puso mo, maaaninag din ito sa panlabas mong kaanyuan.
Sa susunod na araw, muli nating tatalakayin kung paano lalakas, hindi lamang ang panlabas at panloob na karisma kundi ang “personality magnetism” ng isang tao upang lalo pa niyang makamit ang very satisfied at maligayang pakikipagrelasyon sa kanyang opposite sex.
Pansamantala, maging mabait ka lang sa mga tao, Ms. Libra, ganundin sa mga hayop at halaman, lalo na sa mga kakilala at kaibigan mong lalaki, at maging mapagbigay ka lang. Sa ganitong paraan, kusang lalakas ang iyong karisma at ngayong 2021, sa buwan ng Hulyo hanggang Oktubre sa edad mong 28 pataas, magkaka-boyfriend ka at habambuhay na magiging maligaya, hatid ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Virgo.




Comments