top of page

Tips para pakisamahan at ‘di mapa-away sa taong bayolente

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 31, 2020
  • 4 min read

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | July 31, 2020




Tumataas ang tensiyon ng tao ngayong pandemya. Nakakabahala ang mga balitang sunud-sunod ang krimen dahil na rin sa sobrang galit sa kanilang kapwa. Kung susuriin ang mga pinag-uugatan ng problema ay baka bunga ng krisis sa pananalapi at sa iba pang bagay na personal ang pinagmumulan.


May mga tao talagang kapag tensiyon na tensiyon, pagod na pagod lang sa ibang bagay ay nagiging bayolente. Mayroong nagiging bayolente sa hindi naman malamang rason. Ang ilan ay nakakasanayan nang makasama ang mga taong war freak o sisiga-siga sa loob ng bahay o sa kanilang lugar. Wala na nga halos pakialam ang iba kung makasasakit na ng ibang tao. Pero huwag naman sana na mismong ang iyong mga mahal sa buhay ay mabiktima niya o kahit ikaw.


Dapat marahil ay matutunan mo na kung paano makokontrol o mapapakisamahan ang mga taong bayolente lalo na kung isa siya sa kasama mo sa bahay o mismong mahal sa buhay mo ay war freak. Para makaiwas na siya’y makapanakit, makapamaslang ng kapwa o makasira ng anumang mahahalagang bagay sa buhay ng inyong kapitbahay o mga kakilala. Heto ang mga dapat gawin kung nariyan lang siya sa lugar ninyo.


1. Kung maari ay huwag na siyang pansinin. Isang pinakamabuting paraan upang maiwasan ang mga taong bayolente ay umiwas sa naturang sitwasyon at mabilis na lumayo sa kanyang kinaroroonan nang hindi magkaroon pa ng malaking gulo.

Ang ilang tao ay nagiging bayolente at hindi niya namamalayan na nagaganap ang isang bagay na hindi sinasadya. Iyon karaniwan ang nagiging resulta ng kanyang pagiging war freak. Kung puwede ay karampot lang ang sasabihin at huwag na uling magsalita nang hindi siya masyado pang nagagalit.

2. Matutong maging mapagpasensiya at mag-isip muna nang malinaw kapag may kaharap kang napa-praning na tao.

Maraming pagkakataon na ang bayolenteng tao ay immature at walang pasensiya. Kaya kahit ikaw na lang ang maging mapagpasensiya na laging hands off at ‘di pumapatol at laging may kontrol ka sa iyong damdamin.

3. Kung maaari ay humingi ng tulong sa mga psychologist. Ang pagpapa-counsel ay para sa ikabubuti mo at maging sa bayolenteng tao. Marami sa bayolente ay tumatangging magpasuri sa mga propesyunal at tagapayo sa una lamang. Ituloy ang pagtulong at paghikayat. Maaaring madedetalye rin niya kung ano ang sanhi ng kanyang ikinagagalit kaagad o pagbabasag ng mga gamit at maaaring galing sa isipan o mula sa katawan.

4. Iwasan ang sitwasyon, kung maaari ay iwasan na siya ay sumpungin. Sikapin nang iwasan ang tao hangga’t hindi siya tuluyang sumasailalim sa gamutan hangga’t hindi siya natutulungan na matutunan at makontrol ang kanyang galit.

5. Magpakatatag ka. Marami sa bayolenteng tao ay walang kontrol, galit agad at gustong manakit. Kapag nakita niya ang kapwa niya na mahina ay ito ang kanyang sasamantalahin para siya magalit dito. Maliban lang kung magpapakatatag ang sinasaktan. Ang mga war freak na tao ay pareho rin ng ugali ng isang maton o siga.


Karaniwan na ang isang siga ay umuurong din sa kalaban kapag nakaambang lalaban ito. Pinakamainam na ipakita sa kanya na kaya mong lumaban at hindi mo siya uurungan at para malaman niya na hindi mo papayagan na ikaw ay kanyang saktan.


Maging ikaw man ay tamang hayblad at nais mo ring makontrol sa sarili ang pagiging madaling magalit.


Ang mahirap kapag sumama na ang loob ng kaibigan, ayaw ka na kausapin at kibuin, pati mga kapatid, nanay at tatay mo, naiinis na sa iyo dahil na naman ay napa-praning ka.


Para humupa ang stress sa anumang pinagdaraanan sa buhay:

  1. Simulan at praktisin ang paghinga ng malalim. Pinakamalalim na paghinga na kakayanin. Hayaang ang hangin ay maglabas pasok sa baga para maalis ang lahat ng galit sa sistema. Iyan ang magpapabalik sa iyong bait at nakapagpapaluwag ng dibdib.

  2. Isipin kung anuman ang sasabihin o mahalagang masabi at hanggang doon na lamang, lahat tayo ay nakapagbibitaw ng mga salitang hindi natin gusto kapag tayo ay nagagalit dahil talagang gusto nating isigaw. Kailangan ba talagang masabi ang bagay habang galit ka? Kailangan mo bang mamahiya ng kapwa kapag galit ka? Hindi at hindi dapat. Kailangan lahat ng sasabihin mo ay pakaisipin mo munang mabuti para wala kang mapahiya.

  3. Kung kapos sa pera at trabaho ang problema at tensiyunado ka sa lahat ng oras, sikaping huwag nang mapag-usapan ang bagay na ito.Kung ibabaling sa ibang bagay ang usapan at hindi na ito ang laging pinoproblema tiyak na wala ka nang dapat pang alalahanin.

  4. Isipin na ang lahat nang bagay na nangyayari araw-araw na dapat ay matutunang masolusyunan.

  5. Huwag masyadong inaalala ang buhay kung ano ang mangyayari sa next 10 years. Hayaang lumakad ang panahon na maganda ang pananaw sa buhay.

  6. Sa isang relasyon, sikaping mag-usap kung ano ang kagandahan sa tuwing kasama mo ang partner at kung gaano ka kasuwerte habang kapiling mo siya. Hindi ka dapat mag-aalala nang labis sa pera at iba pang maluluhong bagay na kahit wala ka nito at huwag asamin ang mga ito. Palagi mong sabihin sa sarili na tuwing may makikita kang mas mahirap pa sa kalagayan mo, mas masuwerte ka pa rin.

  7. Kung kailangang makipag-usap sa tao tungkol sa problema mo, sabihin ito sa kanya. Kung walang gustong tumulong o wala silang paki, mas piliin mong kausapin ang taong may malasakit sa iyo.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page