Tips para ‘di mabiktima ng donation scam
- BULGAR

- Nov 23, 2020
- 2 min read
ni Jersy Sanchez - @Life&Style| November 23, 2020

Pagkatapos manalasa ng serye ng bagyo sa bansa, nagsulputan ang kaliwa’t kanang donation drive bilang tugon sa apelang tulong ng mga pamilyang nasalanta ng bagyo sa iba’t ibang lugar.
Sa sobrang dami, hindi natin alam kung saan at kanino dapat mag-donate, kaya naman agad na nagbabala ang kapulisan na mag-ingat sa mga “donation scam”. Ito ‘yung mga nangangalap ng donasyon kuno, pero ‘di naman sa mga nangangailangan mapupunta ang pera kundi sa kanilang bulsa. Awww!
Kaya ang ending, ikaw na ang tutulong, na-scam ka pa. Tsk! Pero worry no more dahil narito na ang ilang tips para makaiwas sa mga donation scam:
1. BACKGROUND CHECK. Sa panahon ngayon, ‘di puwedeng hindi natin ito gawin, lalo na kung may involved na pera. Tutal, nasa post naman ang mga detalye tungkol sa donation drive, maaaring i-search muna ang pangalan, bank account details o contact number ng taong nanghihingi ng donasyon.
2. NAMIMILIT MAG-DONATE. Minsan, istayl din nila ang mamilit para mag-donate ang target na biktima. Ayon sa kapulisan, kinukuha ng scammer ang tiwala at kumpiyansa ng biktima para malihis ang atensiyon mula sa pagtse-tsek kung legit sila o hindi.
3. PAIBA-IBANG PANGALAN. Kailangang consistent ang lahat ng detalye kung saan mula sa pangalan ng iyong makakausap hanggang sa bank account details, dapat pare-pareho ito. Kung magkakaiba ang mga pangalan ng account at nakausap o nagpakilalang naghahanap ng donasyon, isip-isip muna.
4. TRANSPARENCY RECORD. Kung malinis ang intensiyon ng grupo o indibidwal na makatulong sa mga nangangailangan, for sure, madalas itong magbibigay ng update sa progreso ng donation drive tulad ng kung magkano na ang nalikom, anu-ano na ang mga plano at marami pang iba.
5. MAGTANONG NANG MAGTANONG. ‘Ika nga, ‘wag mahihiyang magtaong, besh! Alamin kung may ibang tulong pa na puwedeng ipaabot bukod sa pera tulad ng pagkain, damit, hygiene kits at kung anu-ano pa.
Kapag tumulong tayo, tiyaking mapupunta ito sa karapat-dapat at hindi sa kung sinu-sino lang. Tandaan, pinaghirapan natin ang perang ito, kaya dapat lang mapakinabangan ng mga totoong nangangailangan.
Paalala naman ng mga awtoridad, ‘pag ‘di nakaligtas sa scam, maaring magsampa ng reklamo sa Philippine National Police-Anti Cybercrime Group (PNP-ACG) sa pamamagitan ng Facebook, Twitter, official website at hotlines nitong 0915-589-8506 (Globe) at 0961-829-8033 (Smart). Copy?








Comments