Tinulungang magbuhat ng bag ang matanda at nakatanggap ng regalo
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | February 13, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Loida ng Sampaloc, Manila.
Dear Maestra,
Isang mapagpalang araw sa inyong lahat. Nais kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko na naglalakad ako sa eskinita, tapos may nakita akong matandang lalaking hirap na hirap magdala ng bag niya na punumpuno ng kung ano-anong gamit at tinulungan ko siya. Ako mismo ang nagdala ng bag niya at natuwa naman siya at nagpasalamat. Kinabukasan, may natanggap akong bundle na naka-gift wrap pa, regalo sa akin nu’ng matanda na tinulungan ko.
Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay,
Loida
Sa iyo, Loida,
Maraming salamat sa pagsangguni mo sa akin tungkol sa panaginip mo. Ang ibig sabihin ng tinulungan mo ‘yung matanda na may dalang mabigat na bag ay isa sa mga kaibigan mo ang hihingi ng iyong tulong sa mabigat na problemang kinakaharap niya ngayon.
Samantala, ang ibig sabihin naman ng may natanggap kang bundle of gift mula sa matanda na tinulungan mo ay makakatanggap ka ng tawag sa telepono mula sa kakilala mo. Siya ay maghahatid sa iyo ng magandang balita, na siguradong matutuwa ka dahil ito ay kapaki-pakinabang at magdudulot ng pag-unlad at kasaganaan sa kasalukuyan mong pamumuhay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments