top of page
Search

Tiis pa more sa dagdag-presyo sa pagkain

BULGAR

by Info @Editorial | Sep. 27, 2024



Editorial

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, ang hirit na price hike sa sardinas at tinapay ay panibagong pangamba sa maraming mamamayan.

Kamakailan nang manawagan ang food manufacturers at bakers sa Department of Trade and Industry (DTI) na aprubahan na ang matagal nang inihihirit na dagdag-presyo sa sardinas at tinapay, na itinuturing na pangunahing pagkain ng mga Pinoy.


Isinusulong ng Sardines Association of the Philippines ang hanggang P3 taas-presyo sa sardinas na nasa lata, na nasa dalawang taon na umano nilang inihihirit sa DTI.Ayon sa grupo, nadagdagan na ang minimum na sahod at taas-baba rin ang presyo ng gasolina, habang patuloy sa pagtaas ang presyo ng isda.Samantala, humihirit din ang PhilBaking ng P5 taas-presyo ng Pinoy Tasty Bread at Pandesal, matapos ang mahigit isa’t kalahating taon na napako ang kanilang presyo. Ikinatwiran naman ng grupo ng bakers na nahihirapan na silang i-subsidize ang gastos para sa murang tinapay.


Dapat din natin silang maunawaan kung bakit inihihirit ang taas-presyo. Kung saan, dulot ito ng iba’t ibang salik tulad ng pagtaas ng gastos sa produksyon, kakulangan sa suplay, at pagtaas ng demand. 


Hindi maikakaila na ang mga pagtaas ng presyo na ito ay nagdudulot ng matinding epekto sa mga pamilyang nasa laylayan ng lipunan. 


Ang sardinas at tinapay, na dati ay itinuturing na abot-kayang pagkain, ay nagiging isang pribilehiyo na lamang.


Minsan, ang mga mamimili ay napipilitang bumili ng mga hindi masustansyang pagkain dahil sa mas mababang presyo, na nagiging sanhi ng mas malalang kalusugan sa hinaharap. 


Mahalagang talakayin ang papel ng gobyerno sa isyung ito. Dapat ay may mga hakbang na ipinatutupad ang mga ahensya upang mas mapanatili ang presyo ng mga pangunahing bilihin. 


Isang solusyon na maaaring isaalang-alang ay ang pagpapalakas ng suporta sa mga lokal na magsasaka at mangingisda, kasama ang pagsugpo sa mga middlemen na nagdadagdag ng halaga sa mga bilihin. 


Ang pagkakaroon ng mga subsidy o tulong pinansyal para sa mga maliliit na prodyuser ay makatutulong din upang maibsan ang pagtaas ng presyo.Sa huli, ang pagtaas ng presyo ng sardinas at tinapay ay hindi lamang simpleng isyu ng ekonomiya. Ito ay isang usaping nakatali sa kalagayan ng mga mamamayan. 


Dapat tayong magsama-sama upang ipanawagan ang mas makatarungang presyo at mas mahusay na sistema ng distribusyon. 


Mahalaga rin ang papel ng mga mamimili sa pagbuo ng mas makatarungang merkado. Ang pagtangkilik sa mga lokal na produkto ay isang paraan upang matulungan ang ating mga kababayan. 


Sa kabila ng mga hamong ito, umaasa tayo na magkakaroon ng mas matibay na solusyon na ‘di lamang pansamantala kundi tunay na nakatutok sa kapakanan ng lahat. 

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page