Thailand maghihigpit na sa passport at gender ng atleta
- BULGAR
- Aug 24
- 2 min read
ni Gerard Arce @Sports News | August 24, 2025

Photo: FP
Kasunod ng kabi-kabilang mga pagkuwestiyon sa iregularidad ng tunay na kasarian sa pampalakasan, naglatag ang 33rd Southeast Asian Games host Thailand na ipanukala ang mas mahigpit na beripikasyon ng mga passport at random gender checks upang maiwasan ang pandaraya sa multi-sports event na nakalatag simula Disyembre 9 hanggang 20, 2025.
Ibinunyag ang naturang mga plano sa ginanap na 1st Chef de Mission Seminar na ginanap nitong Agosto 20 sa The Grand Fourwings Hotel sa Bangkok, Thailand, na pinangunahan nina Thailand National Olympic Committee President Asst Prof Pimol Srivikorn at CEO ng SEAG Federation Chaiyapak Siriwat.
“This SEA Games will be strict from the moment delegations arrive in Thailand, throughout the competition, and until they return home," pahayag ni Chaiyapak sa panayam ng The Nation Thailand. "If we find any falsification or impersonation, the person will be immediately disqualified and prosecuted."
Matatandaang nagkaroon ng kontrobersiya sa dalawang Vietnamese volleyball player mula sa under-21 team na sina captain Dang Thi Hong at Nguyen Phoung Quynh, na agad na diniskwalipika ng FIVB, habang kinukuwestiyon ang kasarian ni women’s volleyball star Nguyen Thi Bich Tuyen. Nabalot din ng kontrobersiya ang pagkakadiskuwalipika sa mga Olympian boxers na sina Imane Khelif ng Algeria at Lin Yu Ting ng Taiwan sa world championships.
Sa naturang meeting ay inihayag din ang kumpirmasyon sa paglahok ng Cambodia na may ipadadalang 600 na atleta at 800 na opisyales, kung saan bumaba sa dating 1,600 na kinatawan sa hosting noong 2023.
Sa kabilang banda, nakatakdang magpadala ng malaking delegasyon ng Pilipinas na aabot sa 1,600 atleta mula sa 50 pampalakasan, kabilang ang pagsalpak ng pagdepensa ng Gilas Pilipinas basketball team at ang Alas Pilipinas men at women’s national squad.
Comments