Teknik para sa 200% na bilis ng pagbabasa sa loob ng 10 minuto
- BULGAR

- Jan 28, 2021
- 2 min read
ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | January 28, 2021

Oo, habang iniiwasan mo ang aktibidad ng pagbabasa, may pagkakataon na kailangan mo pa ring isubsob ang iyong ulo sa libro at talagang mapapasabak ka sa ganitong gawain lalo na habang nag-aaral.
May malaking epekto rin kasi sa iyong marka sa klase kung nagiging mabagal ka sa iyong pagbabasa. Gayunman, mapahuhusay mo ang iyong reading speed.
Kailangan lang ng ibayong praktis, ibahin ang approach sa pagbabasa at sanayin ang sarili sa paraan ng pag-aaral na magpapabilis sa iyong diskarte at unawa habang nagbabasa.
1. Alisin ang lahat ng istorbo. Ang susi sa pagbabasa ng mabilis ay ang pagkonsentra sa iyong atensiyon para sa kasalukuyang ginagawa. I-off ang cellphone ringer, huwag makinig ng radyo, i-off din ang TV, huwag nang mag-Facebook, iwasan ang twitter, social media etc. Ang lahat ng mga bagay na ito ang sisira ng iyong konsentrasyon sa pagbabasa.
2. Umupo sa isang komportableng silya na may mainam na sandalan. Tiyakin na sapat ang iyong ilaw o liwanag para makapagbasa nang hindi mananakit ang mga mata. Ang pag-aaninag at pananakit ng iyong mga mata ang makasisira ng iyong pokus. Mahahati rin ang iyong atensiyon kapag may mga unang nabanggit na istorbo sa paligid.
3. Unawain munang mabuti ang titulo ng bawat chapter bago magsimulang basahin ang mga teksto. Ito ang magbibigay sa iyong utak muna ng ilang ideya kung ano ang inaasahan sa pagbasa ng mga susunod pang teksto. Ito na rin ang iibayo sa iyong bilis ng pagbabasa at unawa sa kabuuan ng materyal.
4. Unawain ding mabuti ang headings at subheadings, makatutulong ang mga bagay na ito at istruktura para mas mabilis kang makaunawa. Mas mainam na unawaing mabuti ang lahat ng introduction at conclusion ng binabasa bago magtungo sa pangunahing artikulo.
5. Ang pagbabasa ng mabilis ay kailangan ng praktis, dahil ang ilang teksto ay mahirap na unawain. Gayunman, ang textbooks ay napakadaling unawain. Makukuha agad ang impormasyon sa pagbabasa muna sa first at last sentence ng bawat paragraph. Ang bold at highlighted na termino maging ang section summary ang magbibigay ng ideya para maunawaan ang binabasa. Ang textbooks ay nagbibigay ng sapat na impormasyon sa mas nauunawaang paraan.
6. Gumamit ng card o ruler para i-underline ang teksto na nabasa. Habang nakatakip ang ibang teksto, higit kang makakakonsentra sa mga nadaanang salita. Habang umuusad ng basa, isabay na rin ang card o ruler na pababa sa pahina. Kaya pokus na rin dito ang iyong mga mata at utak. Ito na rin ang iibayo ng iyong pang-unawa at maging ang iyong bilis sa pagbabasa.








Comments