Taumbayan ‘wag tipirin, habang mga korup nagpapakasasa sa nakaw na yaman
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
by Info @Editorial | December 3, 2025

Kontrobersyal ang naging pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na “kasya” raw ang P500 para sa Noche Buena ng isang pamilya. Ayon sa kanila, sapat na ito para sa isang “simpleng handa”.
Gayunman, ang tanong: simpleng handa ba ang ipinaglalaban ng taumbayan o ang karapatang hindi mabuhay sa patuloy na pagtitiis?
Sa unang tingin, tila praktikal ang mungkahi ngunit para sa milyun-milyong Pilipinong araw-araw na nagtitiyaga sa kakarampot na kita, ang ganitong pahayag ay higit pa sa payo — isa itong paalala na unti-unting nagiging normal ang kahirapan sa mata ng mga institusyon na dapat sana’y nagtatanggol sa kapakanan ng mamamayan.
Hindi dapat gawing normal ang Noche Buena na pinagkakasya sa abot-kayang presyo dahil walang ibang pagpipilian. Hindi dapat gawing normal ang pag-a-adjust sa non-stop na taas-presyo. At lalong hindi dapat gawing normal ang kababawan ng pag-unawa sa tunay na kalagayan ng pamilyang Pilipino.
Kapag sinasabi na “kasya ang P500” — bagama’t malinaw na hindi ito sapat para sa maraming pamilya — ano ang ipinahihiwatig nito? Na ang kakapusan ay dapat tanggapin? Na ang responsibilidad ng gobyerno ay magbigay lamang ng listahan ng murang sangkap, sa halip na maglatag ng konkretong patakaran para mabawasan ang gutom?Hindi Noche Buena ang isyu rito kundi ang mensaheng kaakibat nito.
Ang Pasko ay simbolo ng kasaganahan, pagkakaisa, at pag-asa. Ngunit para sa marami, ang pagdiriwang na ito ay natatabunan ng kahirapan, ‘di pagkakapantay-pantay at kabiguan.
Hindi trabaho ng gobyerno na sabihing “kaya ‘yan”. Trabaho n’yong siguraduhing hindi kailangang kayanin ang hindi makatarungan.
Utang na loob, huwag n’yong gawing normal ang kahirapan habang ang mga korup ay nagpapakasasa na nakaw na yaman!





Comments