Taong Otso na super-hirap sa buhay kaya ‘di nakapag-aral, yayaman sa negosyo
- BULGAR

- Nov 14, 2020
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 14, 2020
Dear Maestro,
Ako ay kasalukuyang nagtatrabaho sa isang restaurant bilang waitress at ako ay naging working student. Ang kaso, noong magka-pandemic ay nahinto ako sa pagtatrabaho at hindi na rin ako nag-aaral ngayon. Pero nakabalik na ako sa trabaho ko at nag-iipon na ako para makapag-aral.
June 26, 1995 ang birthday ko, gusto kong malaman kung matutupad ba ang pangarap kong makatapos ng pag-aaral at magkaroon ng maayos na trabaho sa isang banko o isang malaking kumpanya sa Makati? Accountancy kasi ang course ko, kaya lang ay nahinto ako dahil marami kaming magkakapatid at wala namang regular income ang tatay ko dahil namamasada lang siya ng traysikel.
Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung ano ba ang magiging kapalaran ko at kung makakatapos ba ako ng pag-aaral?
Umaasa,
Ms. Cancer ng Antipolo City
Dear Ms. Cancer,
Dahil sa birth date mong 26 o 8, (ang 26 ay 2+6=8), posibleng hindi ka nga makatapos ng pag-aaral o kahit makatapos ka man, hindi mo magagamit sa tamang gawain ang natapos mong kurso. Gayunman, sinasabing ang mga Taong Otso ay yumayaman sa pagnenegosyo. Ang sigurado sa kapalaran mo kahit hindi ka makatapos sa kolehiyo ay yayaman ka at uunlad sa pamamagitan ng pangangalakal o pagnenegosyo.
Ngunit bago makamit ang nasabing pagyaman o pag-unlad sa larangan ng materyal na bagay, ang mga Taong Otso na tulad mo ay sadyang idinaraan muna sa mga pagsubok ng buhay kung saan matapos ang nasabing mga pagsubok at paghihirap, saka pa lang gumigitaw sa kanilang buhay ang usbong ng pag-unlad at malaking tagumpay, lalo na sa materyal na bagay.
Wala kang makikitang Taong Otso ang bigla na lang na yumaman o umunlad. Sa halip, ang kadalasang nagaganap sa kanilang kapalaran ay naghihirap o muna sila bago umunlad at tuluyang yumaman.
Ngayon, kapag nakakita ka ng Taong Otso na mayaman agad, kabaligtaran naman ang mangyayari– siguradong maghihirap ang kanilang pamilya. Matapos siyang ipanganak nang mayaman, ang Taong Otso na ito ay makararanas ng tadhanang nais ipahiwatig ng Planetang Saturno, na siyang ruling planet ng mga Taong Otso, na kailangang maghirap at magdusa upang makamit ang tagumpay at ang bonggang-bonggang pagyaman.
Kaya kapag nakakita ka ng Taong Otso na masaya sa mga sandaling ito o mula nang siya ay ipinanganak ay maunlad at asensado na siya sa buhay, tulad ng naipaliwanag na, nakatakda sa buhay niya ang muling maghirap dahil kailangan niyang danasin at daanan ang ganu'ng anggulo o sitwasyon ng buhay. Pagkatapos ng nasabing mga paghihirap at pagdurusa, uunlad siyang muli at habamuhay na liligaya.
Kaya kung ikaw ay Taong Otso at nauna sa buhay mo ang mga tiisin at paghihirap, mas mabuti na 'yan dahil awtomatikong ang magiging kasunod nito ay tagumpay at tuluy-tuloy na pagyaman.
Habang, ayon sa Decandens ng iyong Kapalaran, Ms. Cancer, magsisimulang gumitaw sa buhay mo ang malaking suwerte at magandang kapalaran 2023. Sa panahong nabanggit, kahit ano pa ang kalagayan mo sa buhay, halimbawang hindi ka nakatapos ng pag-aaral at pangkaraniwang manggagawa lamang, sa nasabing panahon sa edad mong 28 pataas, magugulat ka dahil sa ayaw at sa gusto mo, unti-unti kang dadalhin ng tadhana sa isang masuwerte at maunlad na sitwasyon ng buhay, sapagkat 'yun ang nakatakda– magkakaroon ka ng maraming mga ari-arian, magkakaroon ka ng maraming-maraming ipon na pera sa bangko hanggang sa ikaw ay tuluyang yumaman ng mayamang-mayaman talaga.




Comments