Tambol, babala na magkaka-giyera
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | March 15, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Dolora ng Roxas City.
Dear Maestra,
Isa akong negosyante. Medyo mahina ang kita ko dahil sa pandemya, pero hindi ako nawawalan ng pag-asa. Batid kong kikita ulit ako ng malaki at madaling makakabawi. Gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip ko.
Napanaginipan ko na lumindol nang malakas at takot na takot ako dahil nag-iisa lang ako sa bahay namin. Nagbagsakan ang mga gamit namin sa kusina, tapos napilitan akong magtago sa ilalim ng mesa at maya-maya, may narinig akong napakalakas na tunog ng tambol, na para bang inaalarma o nagwa-warning sa mga tao na mag-ingat dahil baka may mas malakas na aftershock pang maganap. Bigla ring humangin nang malakas at nakapasok sa bintana namin ang mga alikabok, tapos nalanghap ko ito kaya nagsuka ako.
Ano ang kahulugan ng panaginip ko?
Naghihintay,
Dolora
Sa iyo, Dolora,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na lumindol nang malakas at nagtago ka sa ilalim ng mesa ay may darating na mabigat na problema sa iyong buhay na kailangang magdesisyon ka agad. Dapat maging matatag ka sa iyong desisyon dahil nakasalalay dito ang kapakanan ng iyong mga mahal sa buhay.
Ang tambol na narinig mo na parang nagbibigay-babala sa mga tao ay nangangahulugan na may matinding krisis na darating sa buong mundo. Nagpapahiwatig din ito ng giyera o digmaan ng bansa sa bansa.
Samantala, ang alikabok na nalanghap mo at nagsuka ka, ito ay nagpapahiwatig ng pagkalugi sa negosyo mo. Daranas ka ng matinding pagkalugi na maaaring mauwi sa pagka-bankrupt ng iyong negosyo.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments