Talpakan, mas nakakatulong o mas nakakasama?
@Editorial | April 3, 2022
Nangutang nang nangutang, nag-amok, nangholdap, ilan lamang ito sa mga kinahinatnan ng mga adik sa online sabong.
Lalaki, babae, taga-gobyerno, negosyante, estudyante, nahuhumaling sa sugal na 'to.
Kaya patuloy ang panawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipa-stop na ang e-sabong.
Bilang tugon, bukas naman daw ang Pangulo na suspindihin ang online cockfighting operations kung mapatunayang naging napakaseryosong problema na ng mga Pilipino ang naturang sugal.
Makailang beses nang tinanggihan ng Punong Ehekutibo ang apela na itigil ang e-sabong sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon sa pagkawala ng mahigit 30 sabungero.
Isa sa sinasabing dahilan ay malaki ang naipapasok nito sa pondo ng gobyerno, kung saan P640 milyon kada buwan umano ang kita.
Gayunman, kaugnay nito ay ang mga ulat na problema sa adiksyon sa ilang Pinoy. May mga nabaon na sa malalaking utang at pumapasok na sa masamang gawain para may maipambayad. Meron na ring nag-amok at nakapatay.
At maging ang mga estudyante na inaasahang nag-aaral, adik na rin talpakan.
Ang tanong, gaano kagrabe kaya ang dapat munang mangyari bago ito maipatigil?
Nauunawaan natin ang naiaambag ng e-sabong sa pondo ng bayan, ang problema, may mga nagsusugal na hindi marunong magkontrol at ang mas masaklap, damay ang pamilya at ang mga taong inosente.
Sana, magkaroon na ng malalimang pag-aaral at pagtukoy kung ito ba'y mas nakakatulong o mas nakakasama.



Comments