Takot tumandang dalaga pero ayaw mag-dyowa dahil dudang lolokohin
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| January 14, 2022
Dear Maestro,
Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil sa mga pakikipagrelasyong napasukan ko.
Gusto kong malaman kung bakit palagi akong hindi siniseryoso ng mga naging boyfriend ko, samantalang tapat naman ako sa kanila? Gayundin, bakit kung sino pa ang nagmamahal nang labis at totoo ay siya pa ang palaging nasasaktan? Minsan tuloy, parang ayaw ko nang umibig, lalo na sa mga ka-edad ko dahil parang naglalaro lang sila at hindi seryoso sa damdamin ng iba.
Hindi naman ako Taong Tres (3), pero bakit palagi akong bigo sa pag-ibig? Minsan tuloy, iniisip kong mag-concentrate na lang sa career at ‘wag nang isipin pa ang pakikipagrelasyon, pero natatakot naman akong tumandang dalaga.
Ano ba ang dapat kong gawin para makatagpo ng tapat at seryosong lalaki? July13, 1997 ang birthday ko.
Umaasa,
Brooke ng Santa Clara, Santa Maria, Bulacan
Dear Brooke,
Bagama’t hindi ka Taong Tres, ang numero mo namang 13 o 4 (1ng 13 ay 1+3=4) ang nagiging dahilan kaya nagkakandabigo-bigo ka sa larangan ng pag-ibig. Sa totoo lang, ang ginagawa mo kasi ay umiibig ka nang tapat sa lalaking gustong-gusto mo, pero hindi mo napapansing hindi ka naman nila gustong-gusto.
Para rin ‘yang tipikal na tanong tungkol sa pag-ibig, “Sino ang masarap mahalin, ‘yung lalaking mahal na mahal mo, pero hindi ka masyadong mahal o lalaking mahal na mahal ka, pero hindi mo masyadong mahal?” Sa kaso mo, ang kadalasang nangyayari ay mahal na mahal mo ang lalaki kahit hindi ka niya masyadong mahal, kaya napagbibintangan mo sila na hindi seryoso at manloloko.
Kaya upang lumigaya ka pagdating sa pag-ibig at pakikipagrelasyon, napakasimple lang ang solusyon. Bukod sa paghahanap ng mga lalaking ka-compatible mo, ang dapat mo namang gawin ay mahalin ang lalaking mahal na mahal ka pero hindi mo gaanong gusto.
Sa ganyang paraan, bukod sa ka-compatible mo ay mahal na mahal ka pa niya, kahit hindi mo masyadong gusto, tiyak na sa susunod na pakikipagrelasyon, makakasumpong ka ng tapat na lalaking habambuhay kang mamahalin.
Ayon sa zodiac sign mong Cancer, ka-compatible mo silang mga isinilang sa zodiac sign na Scorpio, Pisces, Capricorn at kapwa mo Cancer, higit lalo silang may birth date na 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 3, 12, 21, 30, 9, 18, 27, 6, 15 at 24. Sa piling ng nasabing mga lalaki, tulad ng nasabi na, sila ang seseryoso sa iyo upang pagkatapos ay madama mo ang wagas at panghabambuhay na pag-ibig.
Ang pangyayaring makakasumpong ka ng lalaking itinakda sa iyo ng kapalaran na habambuhay kang mamahalin at pakikisamahan ay nakatakdang mangyari sa taong kasalukuyan, sa buwan ng Oktubre hanggang Nobyembre at sa edad mong 25 pataas.




Comments