top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Takot magsumbong sa amo dahil binantaang idadamay sa ilegal na ginagawa ng mga katrabahong pinoy

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 28, 2021
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |November 28, 2021



Dear Sister Isabel,


Nasa Hong Kong ako ngayon at dito ako nagtatrabaho bilang supervisor ng isang warehouse ng mga pabango at iba pang beauty products. Malaki ang tiwala sa akin ng boss naming foreigner, pero ang hindi niya alam ay pinagtatakpan ko ang tunay na nangyayari sa warehouse. Nangungupit ng mga pabango at iba pang produkto ang mga kasamahan kong Pinoy at ginagawa nila ito nang paisa-isa kaya hindi halata.


Pinagsabihan ko sila nang maayos, pero nagpatuloy pa rin sila at nagbanta pa na idadamay nila ako kapag nagsumbong ako sa boss namin.


Sister, hirap na hirap na ang kalooban ko dahil palala nang palala ang sitwasyon. Dati ay paisa-isa lang ang inilalabas nila, pero ngayon ay padami na nang padami. Filipino rin ang naka-assign sa inventory kaya nagagawa niyang dayain ang report. Ano ang dapat kong gawin para matigil ang ginagawang ito ng mga kasamahan ko habang hindi pa nakakahalata ang boss namin? Sana ay mapayuhan n’yo ako ng dapat kong gawin.


Nagpapasalamat,


Albert ng Hong Kong


Sa iyo, Albert,


Tunay ngang mahirap ang nangyayari sa iyo r’yan sa pinagtatrabahuhan mo at nararamdaman ko ang paghihirap ng kalooban mo. Ang pinakamagandang dapat mong gawin, sa iyong pag-iisa bago ka matulog, magdasal ka nang taimtim. Tumawag ka sa Diyos at hingin ang Kanyang tulong sa problemang gumugulo sa isip mo ngayon.


Kinabukasan, makikita mo na may pagbabago ka nang makikita at kusang titigil ang mga kasamahan mo sa kanilang ginagawa.


Maiisip nila na mali ‘yun at malamang na matanggal pa sila sa trabaho.


Manalig ka sa Diyos dahil nakatunghay Siya sa inyo. Alam Niya kung paano naghihirap ang kalooban mo. Prayer can move mountain, ibig sabihin, pakikinggan ng Diyos ang dasal mo, basta’t magtiwala at manalig ka sa Kanya nang walang halong pag-aalinlangan at buong katapatan. Walang imposible sa Diyos. The impossible to men is possible to God. Just pray.


Lakip nito ang aking dalangin, sa pamamagitan ng taimtim na dasal, malulutas ang problema mo.


Sumasaiyo,


Sister Isabel Del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page