Takot mabuntis pero todo-bigay sa bf, ibang guy ang mapapangasawa
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | June 23, 2022

KATANUNGAN
May boyfriend ako ngayon at sa tuwing magde-date kami ay nauuwi sa pribadong lugar. Natatakot din ako dahil baka mabuntis ako, lalo pa’t hindi kami protected o hindi safe sex ang ginagawa namin.
Gayunman, sabi niya ay papakasalan niya ako kapag nabuntis ako. Pero siyempre, hindi pa rin nawawala ang pag-aalinlangan ko na baka hindi niya ako pakasalan tulad ng nangyari sa tita ko na naging single mom. Kinukulit ko naman siya na gumamit ng proteksyon, pero ayaw niya talaga.
Naisipan kong sumangguni sa inyo, Maestro, upang malaman kung tutuparin ba ng boyfriend ko ang kanyang pangako na papakasalan niya ako kapag nabuntis ako at kami na ba ang magkakatuluyan at magsasama habambuhay?
KASAGUTAN
Dapat pa rin kayong mag-ingat dahil ayon sa guhit ng iyong palad, hindi pa kayo ng kasalukuyan mong boyfriend ang magkakatuluyan kung siya ang first meaningful at long engagement na iyong naranasan. Ito ang nais ipahiwatig ng ikalawang mas malinaw, makapal at mahabang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.), na madali namang kinumpirma ng naputol o parang nabiyak na nagkabilog na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ito naman ay tanda ng isang matindi ring kabiguan na nakatakda mong maranasan sa unang pag-ibig at pakikipagrelasyon. Sa madaling salita, kung hindi ka pa gaanong nabibigo sa pag-ibig, may posibilidad na sa kasalukuyan mong boyfriend magaganap ang pagkasiphayo at matinding kalungkutang nais ipahayag ng pumangit na Heart Line (h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Pero pagkatapos nito, tulad ng naipaliwanag na, ang ikalawang mas magandang Marriage Line (2-M arrow b.) at naayos at gumanda ring Heart Line (h-h arrow d.) sa gitna hanggang sa dulong bahagi ang nagsasabing, sa ikalawang mas meaningful na pakikipagrelasyon, mararanasan mo na ang maligaya at panghabambuhay na pag-ibig.
MGA DAPAT GAWIN
Tunay ngang sa bawat pag-ibig at pakikipagrelasyon na nararanasan, hindi dapat magpakasaya at akalaing ito ay wala nang katapusan, lalo na kung ang nasabing masarap na ugnayan ay hindi pa idinedeklara ng iyong kapalaran na siya nang mapapangasawa mo at makakasama habambuhay.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Maricel, hinay-hinay lang sa pagbibigay ng iyong katawan at tiwala sa kasalukuyan mong boyfriend, upang sa sandaling nauwi sa paghihiwalay ang kasalukuyang relasyon ay hindi ka gaanong lumuha at masaktan.
Gayundin, tulad ng nabanggit, isa lang ang tiyak — sa ikalawang pag-ibig at pakikipagrelasyon na hatid ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Aquarius, siya na ang makakatuluyan mo na hahantong sa maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya, na nakatakdang maganap sa taong 2024 at sa edad mong 28 pataas.




Comments