Takot mabiyuda ulit, makapag-aasawa pa
- BULGAR
- Feb 9, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | February 09, 2022

KATANUNGAN
May nunal ako sa tuluan ng luha at totoo pala ang kasabihan ng matatanda na mababalo kapag may nunal sa tuluan ng luha. Tatlong taon na akong balo at ngayon, masasabi kong naka-recover at nakapag-move on na ako. Sa sarili kong kayod at tulong ng aking mga magulang, nagawa ko pa ring pag-aralin at bigyan ng magandang buhay ang aming tatlong anak.
Sa ngayon, may mga manliligaw ako, pero natatakot akong mag-asawa ulit dahil baka mawala na naman siya sa akin. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman ko na kung sakaling mag-asawa akong muli, hindi ba mauulit na mababalo ako?
KASAGUTAN
Kapansin-pansin ang pagbaluktot at kusang pagpapatihulog sa bangin ng kamatayan ng unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, sa unang pag-aasawa, walang duda na sa maagang panahon ng inyong pagsasama ay biglang mapuputol ang inyong kaligayahan dahil sa pagkawala ng iyong minamahal na asawa, na madali namang kinumpirma ng naputol ding Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ito ay tanda na hindi naman saglit lang, bagkus, nakadama ka rin muna ng kaligayahan sa piling ng iyong asawa bago siya tuluyang nawala. Subalit ang higit na magandang balita ay ganito, matapos maputol ng nasabing Heart Line (h-h arrow b.), muli itong nagdugtong at gumanda (arrow c.), na ang ibig sabihin, matapos kang mabalo, walang duda na muling titibok ang iyong puso at ikaw ay magmamahal.
Sa ikalawang relasyong papasukin, posibleng ito ay mauwi sa panghabambuhay na pag-iibigan, na madali namang kinumpirma ng ikalawang mas maganda, hindi na nabaluktot, makapal at tuwid na tuwid ng Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow d.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na sa ikalawang pag-aasawa, hindi ka na mababalo, bagkus, may pangako na ng maligaya at panghabambuhay na pagsasama.
DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong mga datos, Carmen, ang pag-aanalisang muli kang makapag-aasawa, at sa ikalawang pag-aasawa ay makakasumpong ka na ng panghabambuhay na pagsasama at ligaya ay nakatakdang mangyari sa susunod na taong 2023, sa edad mong 42 pataas, na hatid ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Libra.
Comments