Tagumpay ng una at 2nd leg ng TPSK, sasakyan ng Air Run series
- BULGAR

- Aug 16
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 16, 2025
Photo : Pinangunahan ni Jenny Lumba, tagapangasiwa ng Takbo Para sa Kalikasan ng Green Media Events ang media launch ng Air Run Series sa SM Manila na gaganapin sa Set. 28 sa MOA Grounds, Pasay City kung saan inaasahang 8,000 mananakbo ang lalahok. Ang BULGAR ang opisyal na media partner ng TPSK. (BRTpix)
Sasakay ang Air Run, ang pangatlong yugto ng Takbo Para Sa Kalikasan 2025 sa tagumpay ng kanilang unang dalawang yugto na Fire Run at Water Run. Ngayon pa lang ay may 6,700 na ang nagpalista para sa karera ngayong Setyembre 28 sa MOA Grounds, Pasay City.
Tampok ngayon ang Half-Marathon o 21.1 kilometro na mula mall ay tutuloy sa Roxas Boulevard patungong Paranaque at babalik. Nandiyan pa rin ang 10 at limang kilometro.
Para sa mga hindi makakapunta sa araw mismo ng karera, maaaring lumahok sa virtual race at makukuha ang parehong medalya at t-shirt. “Ang aming target ay 8,000 kalahok at kampante ako na maaabot ito kung titingnan ang mainit na pagtanggap ng running community,” wika ni Jenny Lumba ng Green Media Events, ang tagapangasiwa sa karera.
Patuloy pa rin ang pagpapalista sa mga sangay ng Chris Sports sa Tinoma, Glorietta 3, SM Bicutan, Megamall, MOA at One Bonifacio High Street. May online din sa Facebook ng TPSK.
Bahagi ng malilikom na pondo ay mapupunta sa Haribon Foundation. Marami pang ibang mga proyekto ang Green Media na may kinalaman sa pagtanim ng puno sa kabundukan at paglinis ng mga dalampasigan.
Ang ika-apat at huling yugto ng TPSK ay Earth Run sa Nobyembre 16. Bago noon, magkakaroon ng espesyal na TPSK Pampanga Edition sa Clark.
Ang BULGAR ay opisyal na media partner ng buong TPSK. Abangan ang pagtakbo ng mga taga-Bulgar at mga inihandang sorpresa at regalo at ang pagdating ni Bulgarito.










Comments