top of page

Tag-ulan, tag-basura na naman

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 4, 2024
  • 2 min read

by Info @Editorial | September 4, 2024



Editorial

Isa sa pangunahing isyu na hindi dapat balewalain ay ang pamamahala ng basura sa barangay. 


Sa kabila ng pagsisikap ng gobyerno, mga lokal na otoridad at organisasyon, problema pa rin sa mga barangay ang wastong pamamahala at pag-recycle ng mga basura. 


Ang ganitong sitwasyon ay ‘di lamang nagdudulot ng mga suliranin sa kalusugan at kalikasan, kundi pati na rin sa kalidad ng buhay ng mga residente.


Maraming barangay ang nahaharap sa mga pangunahing suliranin sa pamamahala ng basura. Isa sa mga pangunahing isyu ay ang kakulangan sa tamang imprastruktura para sa paglikom at pag-recycle ng mga basura. 


May mga barangay na walang sapat na kagamitan tulad ng mga basurahan, trak para sa pagkolekta, at mga pasilidad para sa pagproseso ng mga basura. 


Ang resulta, ang mga basura ay madalas na naiiwan sa mga lansangan o itinatapon na lang sa mga lugar na hindi angkop, na nagiging sanhi ng pagbabara sa mga kanal, na bumabalik sa atin ngayon kasabay ng pag-ulan. ‘Ika nga, tag-ulan, ‘tag-basura’ na naman. 


Ang mga inaanod na sangkaterba at iba-ibang basura ang nakakadagdag sa tindi ng pagbaha ngayon.


Sana, maunawaan ng lahat ang wastong pamamahala ng basura ay hindi lamang nangangahulugan ng pagkakaroon ng malinis na kapaligiran. Ito rin ay may direktang epekto sa kalusugan ng komunidad. 


Ang mga nabubulok na basura ay nagiging pugad ng mga mikrobyo at bakterya na maaaring magdulot ng iba’t ibang sakit. 


Ang hindi maayos na pagtatapon ng mga hazardous waste tulad ng mga baterya, pintura, at mga kemikal ay maaaring magdulot ng polusyon sa lupa at tubig na magtatagal sa loob ng mahabang panahon.Patuloy ang panawagan sa pagpapalawak ng edukasyon at kamalayan sa mga residente. Dapat magkaroon ng mga seminar at kampanya na magtuturo sa mga tao kung paano ang tamang pagtatapon at pag-recycle ng mga basura.


Kailangan ng mga barangay na maglaan ng pondo para sa pagbili ng mga wastong kagamitan para sa pamamahala ng basura. Tugunan ang sapat na basurahan sa mga pampublikong lugar at regular na pagkolekta ng basura. Bigyang-pansin ang mga pasilidad para sa pag-recycle.


Ang mga negosyo ay may malaki ring papel sa pamamahala ng basura. Ang mga lokal na negosyo ay maaaring magtaguyod ng mga programa sa pag-recycle, tulad ng pag-recycle ng mga packaging materials at pagbibigay ng insentibo sa mga customer na magdadala ng kanilang sariling reusable bags.Ang mga lokal na ordinansa at regulasyon sa pamamahala ng basura ay dapat ding mahigpit na ipinatutupad upang maging mas epektibo.


Dapat ding tandaan na ang maayos na pamamahala ng basura ay hindi lamang responsibilidad ng mga lokal na otoridad kundi ng bawat indibidwal sa komunidad. 

Habang patuloy na nakakaapekto sa kapaligiran ang pagbabago ng klima, dapat nating gawin ang bawat posibleng hakbang upang mapigil ang mga epektong ito at maprotektahan ang ating mundo. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page