top of page

Tabas ng buhok, may kinalaman sa love life ng bebot na ayaw maging forever single

  • BULGAR
  • May 9, 2022
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| May 9, 2022


Dear Maestro,


May maayos naman akong trabaho at okay ang aking suweldo. Wala naman kasi akong pinag-aaral na kapatid dahil ako ang bunso sa aming lima na tapos din ng pag-aaral at may kani-kanya nang pamilya. Habang ang mga magulang ko naman ay nasa abroad dahil kinuha sila ng kapatid ko na nasa Canada. Nakatira naman ako sa luma naming bahay kasama ang dalawa kong pamangkin.


Kaya lang, habang nagkakaedad ako, ngayon ko lang nare-realize ang katotohanang hindi pala mahalaga kahit may pera ka at magandang career kung wala namang nagmamahal sa iyo. Wala kasi akong boyfriend, kaya feeling ko, wala ring kuwenta ang aking buhay. Noon, may mga manliligaw ako, pero ngayon ay wala na at ang pagkakaalam ko, may asawa na sila.


Sa edad ko bang 37, magkaka-boyfriend at makakapag-asawa pa ba ako kahit wala naman akong manliligaw? Sabi ng ate kong nasa abroad, pumunta na lang din ako sa Canada, pero ayaw ko dahil baka lalong hindi ako makapag-asawa ru’n dahil wala naman akong balak mag-asawa ng foreigner. Gusto ko ay kapwa natin Pinoy, pero hindi ko alam kung may darating pa.


Maestro, kung may lalaking para sa akin, kailan siya darating? Gayundin, may pag-asa pa ba akong makapag-asawa at magkaroon ng masaya at panghabambuhay na pamilya? May 6, 1985 ang birthday ko.

Umaasa,

Ms. Taurus ng San Juan, Santa Ana, Pampanga


Dear Ms. Taurus,


Dahil masyadong nakapokus ang mga Taurus – higit lalo silang may mga birth date na 6 – sa career, nakakalimutan nila ang mga bagay na may kaugnayan sa pag-ibig at pag-aasawa, tulad mo.


At kung hindi maaalala ng Taurus na may birth date na 6, 15, at 24 ang kahalagahan ng pag-ibig at pakikipagrelasyon at ang pagtatayo o pagbuo ng pamilya, malaki ang tendency na tumandang dalaga o binate sila.


Paano ngayon at ano ang dapat gawin para makapag-asawa ang Taurus na may birth date na 6 at destiny number na 7? Four ang destiny number mo dahil ang birthday mong May 6, 1982 ay kinokompyut nang ganito: 5+6+1985=1996/ 19+96=115/ 11+5=16/ 1+6=7.


Madali lang ang sagot. Ang una mong gagawin, palagi mong isuot ang suwerteng kulay ng mga Taurus na may birth date na 6, at ito ay ang kulay na pula. Kapag sawa ka na sa pula, puwede rin ang pink, purple at lilac. Pagpalit-palitin mo ang nasabing mga kulay tuwing sasapit ang mga petsang 3, 12, 21, 30, 9, 18, 27, 6, 15 at 24, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes.


Habang paminsan-minsan, gamitin mo rin ang designated color para sa destiny number mo na 7. Ito ay ang kulay na berde at isuot mo ito tuwing sasapit ang mga petsang 2, 11, 20, 29, 7, 16 at 25.


Pagkatapos, kailangang ma-reverse mo ang kapalaran sa pamamagitan ng pag-aayos ng tamang tabas ng buhok. “Reverse” ang ginamit nating salita, ibig sabihin, mula sa void na puso at zero love life, kailangang magkalaman ng pag-ibig ang iyong puso at magkaroon ka ng karelasyon. At dahil “reverse” ang pormula, tatanungin kita ngayon, mahaba ba o maikli ang tabas ng iyong buhok? Kung maikli ang iyong buhok, magpahaba ka naman ng buhok. At ang buhok mo naman ay mahaba na, magpaikli ka.


Sa napakasimpleng pormulang ito, magbabago ang buladas o awra ng iyong mukha. Kasabay nito, mare-reverse ang kapalaran – magkaka-boyfriend ka hanggang sa tuloy-tuloy ka na ring makakapag-asawa at habambuhay na liligaya.


Likas ka namang mapalad at dapat lumabas ng bahay at makipagsosyalan sa mga kakilala mula sa ika-21 ng Abril hanggang ika-27 ng Mayo; mula sa ika-21 ng Agosto hanggang sa ika-27 ng Oktubre, at mula sa ika-21 ng Disyembre hanggang ika-27 ng Enero.


Sa sandaling nagawa mo ang mga rekomendasyong nabanggit, hindi pa huli ang lahat. Dahil sa taon ding ito ng 2022, magkaka-boyfriend ka at pagsapit ng taong 2023, matutuwa ang iyong pamilya at mga kaibigan dahil sa edad mong 38, sasabihin ng karamihan, “Sa wakas, nakapag-asawa at nagkaroon din ng pamilya si Ms. Taurus!”

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page