Taas-sahod, sapat na teaching materials, etc., problema pa rin ng mga titser
@Editorial | July 21, 2022
Ilang linggo na lang at balik-eskwela na.
Kasabay nito, nananatili pa rin ang panawagan ng grupo ng mga guro para sa kanilang mga pangangailangan.
Iniaapela nila ang tatlong pangunahing kailangan ng guro para sa komportable at maayos na pagtuturo.
Una ay ang taas-sahod na patuloy nilang inilalaban at dapat nang mabigyang-pansin. Paano nga naman makapapasok sa paaralan at makapagtuturo ang titser na kapos sa pinansyal?
Pangalawa ay ang tinatawag na logistics o kagamitang dapat naibibigay sa mga guro tulad ng sapat na teaching materials, halimbawa ang mga computers, laptops at marami pang iba. Sa ilalim ng blended learning, mas napatunayan na maraming kakulangan sa mga gamit sa pagtuturo sa buong bansa. May pagkakataon pa na nanggagaling na sa sariling bulsa ng mga guro ang ipinanggagastos pambili ng materyales o pambayad sa internet sa distance learning.
Pangatlo ay ang mabawasan ang kanilang paperworks na dagdag-pasakit sa mga titser na lagpas 12-oras na nagtatrabaho dahil sa dami ng gawain na dapat mabigyan ng aksyon. Ang trabaho ng titser ay hindi natatapos sa apat na sulok ng classroom, kanila pa itong iniuuwi sa bahay.
Kaya sana, mapakinggan ng bagong pamunuan ng Department of Education ang mga panawagang ito, taas-sahod, sapat na kagamitan sa pagtuturo at bawas-paperworks.
Tanggalin na sana ang mabibigat na pasanin sa ating mga guro. Mapalad tayo na sa kabila ng pagod ay nagagawa pa rin nilang humarap sa ating mga estudyante nang maaliwalas, puno ng sigla at maayos na naitatawid ang edukasyon. Sana, huwag nang hintayin na tuluyan silang bumigay.
Tulungan natin ang ating mga guro, pagaanin natin ang kanilang pagtuturo at pamumuhay dahil bahagi rin sila sa pagbuo ng mga pangarap ng kabataan na kinabukasan ng bayan.



Comments