Taas-presyo umaarangkada, laban lang!
@Editorial | July 6, 2022
Pumalo sa 6.1 percent ang inflation ng bansa sa buwan ng Hunyo.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ito na ang ikaapat na buwan na patuloy na umaarangkada ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa.
Napag-alamang mas mabilis ito sa 5.4% na naitala noong Mayo 2022.
Ayon pa sa PSA, malaki ang iniangat ng inflation ngayong Hunyo kumpara sa 3.7% na naitala noong Hunyo 2021.
Ang patuloy na pagtaas at pagbilis ng inflation ay talagang mabigat na dalahin. Kailangang mapag-isipang mabuti kung paano ito masasabayan. Anong mga alternatibong paraan ang dapat gawin na hindi malalagay sa alanganin ang ibang bagay.
Samantala, umarangkada naman ang unang Cabinet meeting ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. kahapon.
Agad na hiningi ni P-BBM sa kanyang economic team ang sitwasyon ng ekonomiya ng bansa.
Sinabi pa ng Pangulo na batid ng lahat na may namumuong krisis sa suplay ng pagkain kaya dapat itong agad na matugunan.
Sadyang mapapalaban ang Team Marcos dahil sa minanang utang ng gobyerno at epekto ng COVID-19 pandemic.
Gayunman, umaasa tayo na kaya itong harapin ng bagong administrasyon. Bilang mamamayan, isa sa mainam na ambag ay ang pagtitiwala sa mga opisyal na ating pinili.
Ipagdasal natin ang kanilang patuloy na kalakasan, karunungan at higit sa lahat, katapatan.



Comments