Taas-presyo sa petrolyo, umabot na sa pasahero
@Editorial | June 10, 2022
Direkta nang naramdaman ng mga pasahero ang taas-presyo sa petrolyo sa pamamagitan ng dagdag-pasahe.
Ito ay matapos aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kahilingan ng mga jeepney drivers na dagdag na pisong taas-pasahe.
Gayunman ang fare hike ay para lamang sa mga jeep na bumabiyahe sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, at Mimaropa.
Dahil dito nasa P10 na minimum fare na ang sisingilin mula P9.
Sa desisyon na ibinaba ng Board ng LTFRB, ang provisional P1 fare hike ay para sa unang apat na kilometro, habang wala ng sisingilin na taas sa mga susunod na kilometro.
Nag-abiso rin sa mga public utility jeepneys sa naturang mga rehiyon na maglagay ng “notice of provisional fare increase” sa loob ng mga sasakyan.
Matatandaang una nang ibinasura ang hirit na taas-pasahe pero naghain ng motion for reconsideration ang mga petitioners na transport groups.
Noong taong 2018 meron na ring pinagbigyan na P10 na minimum fare nang umakyat sa P40 kada litro ang krudo pero muling ibinalik sa P9 ang pamasahe makalipas ang ilang buwan dahil sa pagbaba rin ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Kung noon, todo-palag ang mga komyuter ‘pag nagkakaroon ng dagdag sa pasahe, ngayon ay tila tanggap na ng karamihan na kailangan na talaga ito ng mga kababayang tsuper. May mga drayber na tuluyan nang tumigil sa pamamasada at nakipagsapalaran na sa ibang mapagkakakitaan.
Kaya habang naghihintay at umaasa tayo na bumaba na ang presyo ng petrolyo, kailangang mas galingan pa ang pagtitipid at pagba-budget. Lahat ng raket na puwedeng pasukan, go na, basta legal.



Comments