Taas-presyo ng petrolyo, walang preno
- BULGAR

- 1 hour ago
- 1 min read
by Info @Editorial | January 21, 2026

Hindi na nakakagulat ang biglaang pagtaas ng presyo ng petrolyo—pero hindi ibig sabihin ay katanggap-tanggap.
Sa bawat dagdag sa gasolina at diesel, diretso ang tama sa bulsa ng mamamayan. Tumataas ang bilihin kaya lalong lumiliit ang halaga ng kakarampot na sahod.
Palaging may paliwanag: pandaigdigang krisis, galaw ng merkado, mahina ang piso. Pero para sa ordinaryong Pilipino, iisa lang ang realidad—mas mahirap mabuhay.
Ang tsuper, magsasaka, mangingisda, at manggagawa ang unang tinatamaan, habang tila kulang ang agarang tulong ng pamahalaan.
Kung alam nang paulit-ulit ang taas-presyo, bakit laging tila handang-handa ang langis na tumaas pero mabagal ang ayuda? Hindi sapat ang paalala ng pagtitipid kung wala namang matibay na proteksyon sa mamamayan. Kailangan ng konkretong aksyon, hindi puro paliwanag.
Ang petrolyo ay pangangailangan, hindi luho. Kapag hinayaan ang walang preno na taas-presyo, hinahayaan ding masakal ang mamamayan.






Comments