Suwerteng numero, kulay at araw para sa biyudang bet pang mag-asawa
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| February 17, 2022
Dear Maestro,
Natutuwa ako na ang kapitbahay ko ay umunlad at umasenso dahil sa inyo, kaya sana ay matugunan n’yo rin ang mga katanungan ko. Ako ay isinilang noong January 12, 1975 at isang biyuda. Maaari bang malaman ko rin ang aking masuwerteng numero, kulay at araw?
Nabiyuda ako noong 2020 at sa kabila nito, marami pa ring tukso, lalo na sa isang biyuda na tulad ko. Hindi naman ako nagsasalita nang tapos dahil para sa akin, malakas ang paniniwala ko sa Diyos. Siya lang ang nakakaalam ng lahat, kung ako ba ay muling iibig o hindi.
Sa inyong palagay, Maestro, makapag-aasawa pa ba akong muli o dapat patuloy ko na lang iwasan ang mga tukso sa sanlibutang ito?
Umaasa,
Althea ng Duhat, Cavinti, Laguna
Dear Althea,
Puwede ka namang magpatukso o makipagrelasyon sa isang lalaki kung makasisiguro ka na katugma at ka-compatible mo siya at siyempre, dapat ay binata at wala ring pananagutan ang lalaking ito.
Ang mga ka-compatible ng zodiac sign mong Capricorn ay ang mga lalaking isinilang sa zodiac sign na Taurus, Cancer, Virgo at kapwa mo Capricorn, habang ang dapat mo namang iwasan ay ang mga Leo. Bukod sa nasabing mga zodiac sign, mas magaling kung ang kanilang birth date ay 5, 14, 23, 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 3, 12, 21 at 30 upang makasigurado ka ng masagana, maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa.
Hinggil naman sa masuwerte mong kulay at araw, kung pagbabasehan ang birth date mong 12 o 3 (ang 12 ay 1+2=3), mapalad ka sa kulay na violet, red at asul. Puwede mo ‘yang pagpalit-paliting isuot tuwing sasapit ang mga petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes.
Samantala, kung ang pagbabatayan naman ay ang zodiac sign mong Capricorn at destiny number mong 8 (1+12+1975=1988/ 19+88=107/ 10+7=17/ 1+7-8), mapalad ka sa mga kulay na hinango sa lupa at metal. Basta kakulay ng lupa at metal, puwede mo ‘yang isuot o gamitin, higit lalo sa mga petsang 8, 17, 26, 4, 13, 22, 31, 5, 14, at 2, at kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Sabado, Miyerkules at Linggo.
Bukod sa kulay ng metal at mga lupa, mapalad ka rin sa kulay na berde, kung saan maaari mo namang isuot ang berde tuwing sasapit ang mga petsang 2, 11, 20, 29, 7, 16 at 25, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Lunes.
Samantala, bukod sa lahat ng numerong tinatawag na series of 3-6-9, mapalad ka rin sa mga numerong 7, 16, 25 at sa lahat ng numerong may sumatotal na 7 at 5.
Ayon sa Decadens ng Kapalaran, kusa namang aangat ang graph ng pag-unlad at kaligayahan sa lahat ng aspeto ng iyong buhay sa taong 2024 hanggang 2025, sa edad mong 49 pataas.




Comments