top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Suwerteng numero, araw at kulay para sa Taong Kuwatro na atat tumama sa lotto

BULGAR
Oct 6, 2022
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| October 6, 2022

Dear Maestro,


Sumangguni ako sa inyo dahil mahilig akong makipagsapalaran sa number games. Gusto kong malaman kung ano ang suwerte kong buwan, kulay at numero, gayundin, ano’ng taon ako papalaring manalo ng malalaking halaga sa mga number games? Hanggang nayon kasi, apat na numero lang ang natsatsambahan ko.


Nakakahiya mang sabihin, pero ngayon ay baon kami sa mga pagkakautang at malapit nang mailit ng bangko ang house and lot namin.


Sana ay matulungan n’yo ako at ang aking pamilya na makaahon sa mga pagkakautang at kahirapan. December 13, 1968 ang birthday ko.



Umaasa,

Philip ng Lourdes, Sta. Mesa Heights, Quezon City



Dear Philip,


Likas na maraming dumarating na biglang suwerte sa mga taong isinilang sa petsang 13, kasama na kayong isinilang sa mga petsang 4, 22 at 31. Basta Taong Kuwatro (4), palagi silang may kaakibat na biglaan at malalaking suwerte sa kanilang buhay, basta huwag silang loloko-loko.


Ganu’n kasi ang nagiging buhay ng Taong Kuwatro, palagi silang may ginagawang kamalian o sabihin na natin na palagi silang sumusuong sa magagara at ‘di maipaliwanag na karanasan. Sabagay, sa ganu’ng gawain, unconsciously sila nagiging masaya at nakakakita ng lundo at kulay ng buhay.


Sa kabilang banda, kapag naging relihiyoso ang mga Taong Kuwatro, maaaring pagtulong sa lipunan na kanyang ginagalawan, maaari ring pagsali sa mga religious activities sa kanilang parokya o anumang religious organization na kinabibilangan nila, puwede rin naman ang malalim na personal na ugnayan kay Lord kahit sa kakaiba nilang paraan, lalong lumilinaw ang mga ‘di inaasahang suwerte na talagang dumarating sa kanilang buhay.


Samantala, ayon sa birthday mong December 13, 1968, ang pinakamapalad mong araw ay mula sa ika-20 ng Marso hanggang ika-22 ng Abril, mula sa ika-20 ng Hunyo hanggang sa ika-31 ng Agosto at mula sa ika-20 ng Nobyembre hanggang sa ika-22 ng Disyembre. Sa mga panahong nabanggit, kusa kang dadatnan ng suwerte at kakaibang kapalaran, higit lalo kung palagi kang magsusuot ng kulay na dilaw, itim at berde, habang ang pula ay suwerte rin kung paminsan-minsan mo lang susuotin o gagamitin.


Dahil ang birth date mong 13 ay may sumatotal na 4 (ang 13 ay 1+3=4) at nagkataong 4 rin ang iyong destiny number, dahil ang December 13, 1968 ay kinokompyut ng ganito: 12+13+1968=1993/ 19+93=112/ 11+2=13/ 1+3=4. Sigurado na ang mga petsa, gayundin ang mga number na magiging importante sa iyong buhay ay matatapat sa numerong 8, 17 at 26, basta sumang otso (8), magiging magara ang karanasan mo sa nasabing mga petsa, numero at gayundin sa mga taong may ganyang birth date.


Kaya kung huhugot ka ng numero na maaaring isapalaran sa mga number games, humugot ka ng numerong 8 o may sumatotal na 8, gayundin ang sarili mong numero na may sumatotal na 4. Bukod sa dalawang numero, likas ding mapalad ang mga Taong Kuwatro sa mga taong may numerong 7, 16 at 25, basta sumang siete (7), magiging mapalad kayo sa pakikisalamuha sa kanila. Kaya may tatlong numero ka na puwede mong hugutin sa mga number games na sasalihan mo — numerong may sumatotal na 8, 4 at 7.


Dahil ang numerong kuwatro at uno (1) ay hindi naman nagkakalayo ng kapalaran dahil kapwa sila may ruling planet na Sun, puwede mo ngayong idagdag sa iyong mga numero ang mga numbers na may sumatotal na 1. Kaya may apat ka nang kumbinasyon at ‘yan ay ang mga numerong may sumang 8, 4, 7, at 1.


Samantala, dahil salapi o materyal na bagay ang hinahangad mo upang magamit sa iyong mga obligasyon, puwede mo na ring hugutin ang numero ng salapi o pagyaman na numerong may sumatotal na singko (5). Kaya makakabuo ka na ng limang numero para sa pagtaya sa anumang number games — 8, 4, 7, 1 at 5.


Isa na lang ang kulang para makumpleto ang six digit numbers sa pagtaya sa lotto. ‘Yung isang kulang na numero, ikaw na ang bahala ru’n, dahil ‘yun naman ang sasagapin ng sarili mong suwerte sa pamamagitan ng iyong intuition.


Samantala, ayon sa Decadens ng Kapalaran, favorable years mo ay ang taong 2023 hanggang 2024. Sa nasabing panahon at sa edad mong 54 pataas, tiyak ang magaganap, sa isang pakikipagsapalarang may kaugnayan sa number games, makakasapol ka ng dambuhalang suwerte nang hindi mo inaasahan, na magdadala sa iyo sa isang biglaan at malaking pagyaman.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page