Suwerteng kulay, araw at petsa para sa dalagang nasa pagitan ng Scorpio at Sagittarius
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| March 26, 2022
Dear Maestro,
Ako ay isinilang noong November 21, 1997 at nawalan ako ng trabaho dahil sa pandemya. At dahil ngayon ay wala pa rin akong trabaho, naguguluhan na ako kung ako ba ay makakatagpo pa ng maganda at regular na trabaho o habambuhay na lang akong magiging tambay.
Hindi naman ako makapagpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo dahil inuuna pa ang iba kong mga kapatid, third year na si ate at graduating na si kuya.
Sana ay maanalisa n’yo ang aking kapalaran kung ano’ng kulay, araw at petsa ako dapat maghanap ng trabaho upang suwertehin akong matanggap at maging regular.
Umaasa,
Jane ng Dalandanan, Valenzuela City
Dear Jane,
Ang birthday mong November 21 ay nagsasabing hindi ka pure na Scorpio at hindi ka rin pure na Sagittarius dahil ang birthday mong November 21 ay nasa pagitan ng dalawang zodiac sign. Ano pa’t sa ibang mga libro sa Astrology, sinasabing ikaw ay Scorpio, pero sa aktuwal na senaryo ay hindi totoo ‘yun.
Sa halip, ang tamang paliwanag ay ganito, dahil ang November 21 ay huling araw para sa Scorpio at kinabukasan, pagsapit ng November 22, ay lilipat sa Sagittarius ang zodiac sign o buntala ng mga bituin sa kalawakan, kaya ang iyong pagkatao ay tatawaging mala-Scorpio at mala-Sagittarius.
Sa dagdag na paliwanag, sa mismong araw ng iyong pagsilang, November 21, kasalukuyang pumipihit ang zodiac sign na Scorpio patungo sa Sagittarius, kaya ikaw ay may double personality o double character na taglay.
Ito ang tinatawag sa Basic Astrology na “signs under the cusp”. Ganito ang teknikal na paliwanag, “The point at which a new sign starts is known as the cusp. When the sun moves form Scorpio into Sagittarius for instance, it is said to be at 0 degree Sagittarius and not 30 degree Scorpio. People who are born when the sun is near a cusp often show characteristics of both signs.”
Ano ngayon ang kaugnayan nito sa iyong pagkatao at kapalaran? Dahil nasa pagitan ng Scorpio at Sagittarius ang iyong birthday, likas na magiging magulo ang iyong isip at damdamin, sapagkat unconsciously, hindi mo talaga alam kung ano ang totoong zodiac sign na nananaig sa iyong pagkatao.
Gayunman, ang nakakatuwa kung pagbabasehan ang ruling planet ng Scorpio at Sagittarius, may iisang planetang umiimpluwensiya sa kanilang kapalaran, secondary planet ng Sagittarius ang planetang Mars, habang pangunahing planeta naman ng Scorpio ang planetang Mars.
Kaya sa iyong tanong hinggil sa mapalad mong kulay upang madaling matanggap sa mga ina-apply-an mong trabaho, sigurado at wala nang iba kundi ang kulay na red o pula, na siya ring kulay ng planetang Mars.
Bukod sa kulay na pula, mapalad ka rin sa likas na kulay ng Scorpio na green o berde at sa likas na kulay ng Jupiter na violet at asul.
Isuot mo ang pula, tuwing sasapit ang mga petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes, habang tulad ng naipaliwanag, ang pamalit na kulay sa pula ay asul at violet sa panahong nagsasawa ka nang gamitin ang nasabing kulay na pula.
Isuot mo naman ang kulay na berde sa tuwing sasapit ang mga petsang 2, 11, 20, 29, 7, 16, 25, 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22 at 31, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Linggo, Lunes at Sabado.
Sa ganyang teknik ng pagsusuot ng tamang kulay sa eksaktong petsa at araw, tiyak ang magaganap — ayon sa iyong Career Calendar, sa taon ding kasalukuyan, habang patapos na ang pandemya, sa buwan ng Mayo hanggang Hunyo, sa edad mong 24 pataas, makakatagpo ka na ng maganda at regular na trabaho.




Comments