Suwerteng araw, petsa at kulay sa Taong Dos

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| December 20, 2020
Dear Maestro,
Sa mga natutunan ko sa inyo sa matagal kong pagsubaybay sa inyong mga artikulo, ako ay Taong Dos dahil ako ay ipinanganak noong October 29, 1989. Tama ba ako, kasi ang 29 ay 2+9=11/ 1+1=2? Marami na rin akong nabasa sa mga artikulo n’yo tungkol sa Taong Dos, pero mas gusto ko na pag-aanalisa n’yo mismo ang mabasa ko.
Sa aking sariling kapalaran, ano ang ipinahihiwatig ng numero kong 2 at paano ako susuwertehin at magkakaroon ng maligaya at matagumpay na buhay? Wala pa rin akong girlfriend hanggang ngayon, kaya gusto ko ring malaman kung sinu-sino ang babaeng ka-compatible ko na dapat ligawan at mapangasawa upang ako ay magkaroon ng matagumpay at maligayang pamilya balang-araw?
Umaasa,
Dick ng Dolores, Taytay, Rizal
Dear Dick,
Ang zodiac sign mong Scorpio ay nagsasabing ka-compatible mo ang mga babaeng nagtataglay ng zodiac sign na Cancer, Pisces, Taurus at kapwa mo Scorpio, higit lalo silang may birth date na 7, 16, 25, 4, 13, 22, 31, 2, 11, 20 at 29, gayundin silang nagtataglay ng strong number na 8, 17, 26, 1, 10, 19 at 28. Sila ang mga babaeng dapat mong ligawan at magandang mapangasawa upang magkaroon ka ng maligaya at matagumpay na pamilya.
Upang buong lakas mo namang mahigop ang magagandang kapalaran, sa kabila ng katotohanang “weak number” o mahina ang numero mong 2, dapat ka ring makisama sa mga taong nagtataglay ng strong number, tulad ng nabanggit na sa itaas, sila ang mga taong may birth date o may destiny number na 8, 17, 26, 9, 18, 27, 1, 10, 19 at 28.
Ang mga taong nabanggit ang makatutulong sa iyo sa lahat ng aspeto ng buhay, lalo na kung palagi kang didikit at makikisama sa kanila. Habang ang mga taong may bitbit na numerong 7, 16, 25, 2, 11, 20 at 29 ay mga natural o kusa na magiging kaibigan mo, magiging mahalagang bahagi ng iyong buhay at magiging shoulder to lean on kung saan sa panahong may mabigat kang problema, sila ang aagapay at tutulong sa iyo.
Ang pinakamapalad mo namang panahon ay sa mula sa ika-19 ng Enero hanggang ika-28 ng Pebrero, mula sa ika-19 ng Hunyo hanggang ika-28 ng Hulyo at mula sa ika-19 ng Oktubre hanggang ika-28 ng Nobyembre, ang isa pa sa pinakamapalad mong panahon ay sa panahong nasa new moon, first quarter at full moon ang buwan sa langit. Sa mga panahong nabanggit, kusang iigting ang mabuting kapalaran at sa mga panahon ding tinuran, magandang makipagsapalaran o lakarin ang mahahalagang plano at balakin sa buhay upang magkaroon ng positibong resulta at masigurado ang tagumpay.
Berde, pula at itim naman ang mapalad na kulay na dapat laging gamitin upang mas mabilis mong mahigop ang magagandang kapalaran. Habang ang batong topaz o kahit anong uri ng bato na nagtataglay ng kulay na pula o berde na ipalalamuti sa gold na singsing ay magsisilbi namang talisman, upang hindi ka tablan ng mga negatibong pangyayari sa iyong buhay. Sa halip, ang nasabing hiyas ang magbibigay sa iyo ng dagdag na lakas ng loob at kakaibang suwerte habang ito ay patuloy mong isinusuot at nakadikit sa iyong balat.
Ayon sa Decadens ng Kapalaran, kusa namang iigting ang mabuting kapalaran sa taong 2022, 2023, 2024 at 2025 ganundin sa taong 2026 at 2027, at higit sa lahat, sa taong 2028 hanggang 2029, sa edad mong 40 pataas.




Comments