top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Suwerteng araw para manalo sa Lotto

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 10, 2022
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| September 10, 2022


Dear Maestro,


Palagi kong nababasa sa mga kolum n’yo na masuwerte ang mga Taong Singko (5) o ‘yung mga ipinanganak sa petsang 5. January 5, 2000 ang birthday ko, kasalukuyan akong nag-aaral at nasa huling taon na ako sa kolehiyo. Gusto kong malaman kung may posibilidad ba akong yumaman?


Gusto kong makatapos ng pag-aaral para makapagtrabaho at maiahon sa kahirapan ang aking pamilya. Gayundin, posible ba akong makapag-abroad, kung oo, ano’ng taon ako susuwertehin?


Minsan ay tumataya rin ako sa lotto, may tsansa ba akong tumama ng jackpot?


Umaasa,

Lota ng Huli, Pililla, Rizal


Dear Lota,


Tulad ng madalas nating pinapaliwanag, dahil ang mga taong may birth date na 5 tulad mo ay pinaghaharian ng planetang Mercury, likas silang sinusuwerte sa larangan ng pananalapi, sa tatlong sitwasyon na madalas maganap sa kanilang karanasan.


Una, nakakapag-abroad sila at sa walang tigil na pangingibang-bansa, kusa silang yumayaman.


Pangalawa, nakakapagnegosyo sila at sa walang habas na pangangalakal, lalo na kung ang kapartner nila sa negosyo ay kapwa nila Taong Singko, gaya nilang may bitbit na mga numerong 5, 14 at 23, sa pagnenegosyo ng mga finished products sila sumasagana, umuunlad at yumayaman.


Ang pangatlong kadalasang nangyayari sa kapalaran ng mga Taong Singko, yumayaman sila sa pag-aasawa o sa panahong sila ay may asawa na. Minsan pa nga, sadya silang nakakapag-asawa ng mayaman.


Ang tatlong senaryo o pangyayaring tinuran ay posibleng maganap sa iyo dahil ang numero mong 5 ay may kumbinasyon ng zodiac sign na Capricorn at ito ay may ruling planet na Saturn, na may elementong earth o lupa, sadyang itinakda na rin ng kapalaran mo na bago mo mapitas ang suwerte, ang magandang kapalaran at masaganang pamumuhay, dadaan ka muna sa mabibigat na pagsubok at paghihirap ng buhay.


Ngunit pagkatapos ng nasabing mga pagsubok at kahirapan, mananaig ang isa pang nakatakdang kapalaran ng mga taong may ruling planeta na Saturn — pagkatapos silang bugbugin ng tadhana sa mga paghihirap at tiisin sa buhay, kusa silang umuunlad at yumayaman.


Ang totoo, tulad ng kapalaran ng mga Taong Otso (8) o silang may mga bitbit ng numerong 8, 17 at 26, nakakapagtayo sila ng magara o magandang bahay. Kumbaga, magugulat ang lahat dahil ang karaniwang nangyayari sa kapalaran ng mga taong may ruling planet na Saturn, tulad nilang may mga zodiac sign na Capricorn o kayo ring may bitbit na numerong 8, 17 at 26, ay from rugs to riches ang magiging kasaysayan ng kanilang pagyaman.


Kaya kapag sinubok ka ng tadhana, Lota, mas mainam kung ‘wag kang bibitaw o susuko dahil isang pagliko lamang ‘yun ng landas na nakatakda mong tahakin, ngunit ang dulong hantungan nito ay ang landas ng pagyaman.


Samantala, kung tumataya ka sa number games, ang mapalad mong panahon ay mula sa ika-23 ng Disyembre hanggang ika-27 ng Enero, mula sa ika-23 ng Abril hanggang sa ika-27 ng Mayo at mula sa ika-23 ng Agosto hanggang ika-27 ng Setyembre, higit lalo sa significant at favorable years mo ang mga taong 2022, 2023 at 2024. Sa nasabing mga panahon, may malaking posibilidad na tumama ka ng jackpot.


Habang, sa taon namang 2031 at sa edad mong 31 pataas, magsisimula kang yumaman at umunlad, hanggang sa tuloy-tuloy mo nang maiahon sa kahirapan ang inyong pamilya. Kasabay nito, habang nagkakaedad ka, lalo na kapag tumuntong ka ng edad 40 pataas, siguradong matutupad sa iyong kapalaran ang kadalasang nangyayari sa mga taong naiimpluwensyahan ng planetang Saturn at Mercury – sa panahong tinuran, mayamang-mayaman ka na.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page