top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Super labs ang asawa pero ‘di na kaya ang pangmamaltrato

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 1, 2021
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig |November 1, 2021



Dear Sister Isabel,


Marahil sa sandaling binabasa ninyo ito ay malayo na ako sa piling ng aking asawa.


Pinili kong lumayas nang hindi niya alam dahil hindi ko na kaya ang pagmamaltrato at pananakit niya. Mabuti na lang, wala kaming anak. Nagtiwala ako sa kanya, ibinigay ang buong puso at kaluluwa ko pero nagkamali ako dahil nalinlang niya ako sa husay ng kanyang pagkukunwari. Napakahusay niyang umarte na para bang best actor sa pelikula.


Likas sa ating mga babae na madaling maniwala, magtiwala at malinlang ng mapagkunwaring pag-ibig ng mga lalaki. Hindi ko naman nilalahat, pero karamihan sa kanila ay ganu’n at isa ako biktima.


Nawa’y gabayan ako ng Diyos na makapangyarihan, iligtas sa anumang uri ng kapahamakan sa paglayo kong ito. Hindi ko na iisa-isahin ang pangmamaltratong ginawa niya sa akin dahil kukulangin ang espasyo ng column ninyo kung gagawin ko ito. Ayoko rin ng eskandalo kaya hindi na ako nagreklamo sa mga awtoridad. Sa palagay ko ay tama ang ginawa kong paglayo.


Nawa’y mapayuhan ninyo ako at liwanagin ang aking isipan upang gumaan ang aking pakiramdam. Alam kong walang ibang makapagpapalubag sa kalooban ko kundi ang makabuluhan ninyong payo. Umaasa at maghihintay ako sa inyong kasagutan.


Nagpapasalamat,


Mildred ng Tacloban, Leyte


Sa iyo, Mildred,


Nakikidalamhati ako sa nangyari sa iyo. Sadyang ganyan ang buhay may asawa, kani-kanyang kalbaryo. Sa umpisa lang masarap, pero bandang huli ay hirap na ang iyong mararanasan at kung mayroon mang happy ending, mabibilang mo sa daliri dahil bihirang-bihira lang itong mangyari.


Mabuti na hangga’t maaga ay nakapagpasya ka. Sa palagay ko ay tama ang iyong ginawa dahil sa lahat, ang kasuklam-suklam na ugali ng lalaki ay ang paggamit ng dahas o pananakit sa asawa niya at isa ka sa nakatapat ng ganyang klase ng lalaki. Kung hindi ka nagpasya agad, malamang ay mapatay ka pa niya sa bugbog. Hangad at dalangin ko na maging maayos ang kalagayan mo ngayon saan ka man naroroon.


Ang Diyos ay makatarungan at hindi ka Niya pababayaan. Tumawag ka palagi at magdasal sa Diyos na makapangyarihan. Huwag kang magsasawang dumalangin araw-araw na mapabuti ang iyong kalagayan.


Hindi natutulog ang Diyos at makikita mo na isang araw ay maganda at maayos na ang iyong buhay at sana ay matuto ka na sa una mong pagkakamali. Huwag ka agad magpapabola sa buladas ng mga lalaki, lalo na sa panahon ngayon na halos wala nang matinong lalaki sa mundo.


Ang mahalaga, gamitin mo ang iyong isip sa pagpapasya, lalo na kung panghabambuhay na partner ang pag-uusapan. Hanggang dito na lang, pagpalain ka nawa ng Dakilang kataas-taasan.



Sumasaiyo,


Sister Isabel del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page