top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Super-hirap dahil sunod-sunod namatay ang mga mahal sa buhay

BULGAR
Nov 16, 2022
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | November 16, 2022


Dear Sister Isabel,


Bakit ang lupit ng kapalaran sa buhay ko? Sunod-sunod na namatay ang mga mahal ko sa buhay. Una, ang parents ko dahil naaksidente sila at sabay na namatay. Tapos, ang mga kapatid ko ay sunod-sunod na nabiktima ng COVID-19 at pumanaw.


Halos gusto ko na ring mamatay dahil ulila na ako at walang maaasahan. Gayundin, isang kahig, isang tuka ako, kaya sobrang lungkot ko at hindi ko alam kung bakit ganito ang kapalaran ko.


Alam ko na sa pagsangguni ko sa inyo ay maglulubag ang damdamin ko. Hanga ako sa mga payo n’yo, kaya naisipan kong isangguni ang aking kalagayan. Tiyak na mabibigyan n’yo ako ng karampatang payo upang maghilom ang sakit ng damdamin ko at gumaan ang aking kalooban.


Nagpapasalamat,

Loida ng Bataan



Sa iyo, Loida,


Maraming salamat sa pagsangguni mo sa akin at sa tiwala na makakapagpalubag ako ng loob mo sa dinaranas mong kapighatian ngayon.


Sadyang ganyan ang buhay sa mundo — hindi lahat ay kaligayahan at sarap sa buhay, darating ang kapighatian at paikot-ikot lang. Lahat ay daranas ng mga problema, mabigat man o magaan. ‘Ika nga, patay lang ang walang problema. Habang tayo’y may buhay, may kaakibat na mga problema, subalit sa sandaling malagpasan ay nar’yan na ang mga gantimpala at pagpapala. Gayunman, kumapit ka lang sa Diyos dahil pagsubok lamang ‘yan. Mas mabigat ang pagsubok, mas malaking gantimpala ang kasunod, at gaya ng sabi ko, paikot-ikot lang ang buhay sa mundo. Mabuti pa nga kung daranas ka ng sunod-sunod na kapighatian dahil tiyak na ang kasunod niyan ay walang kahulilip na kaligayahan.


Ang mahirap niyan ay ‘yung masaya ka sa kasalukuyan dahil tiyak na lungkot naman ang kasunod. Palagi mong isaisip na mas masarap damhin ang kaligayahan kung galing ka sa matinding kalungkutan dahil mas malalim ang kaligayahan na iyong madarama.


Sa kabilang dako, mababaw lang ang kaligayahan ng mga taong walang pagsubok sa buhay. Hindi tumatagos sa puso ang tunay na ligaya dahil hindi naman sila dumaan sa malalim na kapighatian. Ang buhay sa kanila ay normal lang, kumbaga, mababaw lang, kaya huwag ka nang malungkot dahil parating na ang ligaya sa buhay mo.


Sunod-sunod na kaligayahan ang parating bilang kapalit ng maraming kapighatian na dinanas mo. ‘Yan ang batas ng mundo, basta huwag kang makakalimot na dumalangin sa Diyos.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page