Sunud-sunod na pagdukot at pagpatay, dapat tutukan
@Editorial | August 19, 2022
Isa na namang bata ang biktima ng karumal-dumal na krimen.
Patay at nakasilid sa sako nang matagpuan ang isang 7-anyos na babae sa Laguna. Naglalaro lang umano sa labas ng bahay ang biktima nitong Lunes ng gabi nang bigla itong mawala. Nang araw ding 'yun, may nakitang sako sa likod ng bahay ang kanilang kapitbahay at nang buksan ay nakita ang bangkay ng bata. Walang saplot at may lupa umano ang mata at bibig nito.
Una rito, isang 15-anyos na babae rin ang natagpuang patay sa Bulacan. Ang bangkay ng biktima ay may mga paso sa braso at marka ng sakal nang makita sa madamong bahagi sa gilid ng isang kalsada.
Nitong Hulyo, isang 7-anyos ding babae ang natagpuang patay at sinasabing ginahasa sa isang bakanteng paupahang kuwarto sa San Pedro City.
Kabilang sa mga hinihinalang suspek sa krimen ay pawang mga menor-de-edad.
Nakakapanginig ng laman na naglipana na naman ang mga masasamang loob. Grabeng lagim ang ikinakalat.
Kaya ang panawagan sa kinauukulan ay mas tutukan ang kaligtasan ng mamamayan.
Bumabaha ang ilegal na droga, lantad ang publiko sa kahalayan online. Halos nakabalandra ang mga bastos na babasahin, ano nang mangyayari sa lipunan?
Huwag sanang madagdagan pa ang mga biktima. Kailangang maiparamdam sa mga kriminal na ito na may umiiral na batas sa lupa.



Comments