Suns, nagbabaga at Hawks sa top 1 ng West at EastCon

Updated: Jan 9, 2021
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 3, 2021

Binuksan ng defending champion Los Angeles Lakers ang 2021 ng National Basketball Association (NBA) sa pamamagitan ng kanilang ikalawang sunod na panalo sa San Antonio Spurs, 109-103, sa AT&T Center noong Sabado ng umaga. Nagising ang Lakers sa huling 2 minuto at itinala ang huling 9 na puntos ng mainitang laban upang umangat sa 4-2 panalo-talo.
Sinimulan ang huling hirit ng nagpatablang tres ni Anthony Davis at ipinasok ni Kyle Kuzma ang mintis na Davis para maagaw ang lamang, 105-103. Umapoy si Davis sa kanyang 34 puntos habang triple double si LeBron James na 26 puntos.
Mag-isa na sa tuktok ng Western Conference at buong NBA ang Phoenix Suns matapos nilang ligpitin ang Denver Nuggets, 106-103, para sa kartadang 5-1. Nagpamalas ng tibay ng dibdib ang beteranong si Chris Paul sa kanyang 4 na puntos sa huling 7 segundo para magtapos na may 21 at hindi masayang ang tig-22 puntos ng mga kakamping sina Devin Booker at DeAndre Ayton.
Hindi nakasosyo sa liderato ang Los Angeles Clippers at nagtagumpay ang Utah Jazz, 106-100. Gumawa ng 33 puntos si Mike Conley kasama ang apat na mahalagang free throw sa huling minuto habang sinuportahan siya ni Donovan Mitchell na may 15 puntos.
Umakyat ang Atlanta Hawks sa 4-1 upang makibahagi sa liderato ng Eastern Conference kasama ang Indiana Pacers, Orlando Magic at Philadelphia 76ers matapos makaganti sa Brooklyn Nets, 114-96. Namuno sa resbak sina DeAndre Hunter na may 23, Trae Young na may 21 at John Collins na may 20 puntos upang saglit mapawi ang pait ng ng kanilang 141-145 na una at nag-iisang pagkabigo sa parehong kalaro noong Disyembre 30.
Sa kabilang banda ng East, bumida sina Jerami Grant at Derrick Rose sa 4th quarter upang ibigay sa Detroit Pistons ang unang panalo ng torneo laban sa Boston Celtics, 96-93, kung saan hindi nakapuntos ang Celtics sa huling apat na minuto. Tinapos ni Grant ang laban na may 24 puntos habang nagdagdag si Rose ng 17 puntos.
Nakamit din ng Washington Wizards ang mailap na unang panalo matapos padapain ang Minnesota Timberwolves, 130-109. Bumuhos ng 31 puntos si Bradley Beal upang takpan ang pagliban ni Russell Westbrook habang tumulong si sentro Thomas Bryant sa 18 puntos anim na iba pang kakampi na may 11 o higit na puntos.
Sa ibang mga natapos na laro, patuloy din ang mahusay na laro ni Luka Doncic at naging susi siya sa 93-83 tagumpay ng Dallas Mavericks sa bisitang Miami Heat. Nagtala rin si Giannis Antetokounmpo ng mga numerong nararapat sa isang MVP at dinurog ng Milwaukee Bucks ang Chicago Bulls, 126-96.
Tinalo ng Charlotte Hornets ang Memphis Grizzlies, 108-93, kung saan anim na Hornet ang nagtala ng 10 o higit na puntos. Tambakan din ang resulta ng panalo ng Portland Trailblazers sa Golden State Warriors, 123-98. Hindi mapigil ang shooting na Damian Lillard na ipinasok ang anim na tres para sa 34 puntos.





Comments